Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Bam Aquino, umalalay sa Wild Rift players

James Pacala · Nov 22, 2026, 12:03 AM

Senator Bam Aquino — File

Nakatakdang katawanin ng League of Legends: Wild Rift team ang Pilipinas sa Wild Rounds: Smash 2026 sa South Korea matapos matulungan ni Senador Bam Aquino na makuha ang kanilang Korean visa.

Dalawang buwan ang ginugol ng koponan sa pag-aasikaso ng mga dokumento para makuha ang inaasam na visa at makaharap ang mahuhusay na manlalaro mula sa iba’t ibang rehiyon.

Sa isang Facebook post, inilahad ng miyembro ng koponan na si Jave Conwi, na kilala bilang Mirai, na nagsakripisyo ang bawat isa sa kanila upang makapaglaan ng panahon sa paghahanda para sa torneo. Kaya naman, labis ang kanilang pagkadismaya nang malaman na matatagalan pa bago nila makuha ang visa.

“Almost two months preparation for the visa. All of us work hard for this coming event ung iba tumigil sa school tumigil sa trabaho,” sabi ni Conwi.

Ayon pa sa manlalaro, ilang beses silang bumalik sa Maynila upang isumite ang mga kinakailangang dokumento.

“Pabalik balik ng manila at ang daming expenses,” dagdag niya.

Ilang oras matapos ilahad ni Conwi ang kanilang pagkadismaya sa social media, dumating ang magandang balita na aprubado na ang kanilang visa matapos silang matulungan ni Aquino.

Kinumpirma rin ni Conwi ang pag-apruba sa kanilang visa sa isang post, kung saan nagpasalamat siya sa mga tumulong sa kanila, kabilang ang mga nagbanggit sa pangalan ng senador.

“Na approve na visa namin guys thank u so much to all of you solid kayooo thank u sa wr com at random peeps na tumulong just by mentioning sir Bam Aquino,” sabi ni Conwi.

Kilala si Aquino sa pagpapakita ng suporta sa esports community. Matagal na rin niyang ibinahagi ang kanyang interes sa online at video games, bagay na naging bahagi ng kanyang pagkakaugnay sa mga manlalaro.

Nagpahayag din ng suporta ang senador sa koponan sa pamamagitan ng kanyang social media account.

“Good luck sa SMASH Korea 2026, Team Peekaboo! Laban, Pilipinas,” saad ni Aquino.