DYARYO TIRADA
UP Cebu, unang koponan mula Visayas sa UAAP football
Gagawa ng kasaysayan ang University of the Philippines Cebu bilang unang paaralan mula sa labas ng Luzon na sasabak sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) high school boys’ football tournament sa Season 89.
Magiging ikawalong koponan ang UP Cebu sa torneo, kasama ang Far Eastern University, University of Santo Tomas, De La Salle Zobel, Ateneo de Manila University, Adamson University, at guest teams na PAREF Southridge at Claret School of Quezon City.
Magsisimula ang kampanya ng 23-man squad sa 13 Enero 2027 laban sa UST, sa pagbabalik ng torneo matapos ang holiday break.
Umaasa ang koponan na hindi lamang ang UP System ang kanilang kakatawanin, kundi pati ang mga paaralan at batang manlalaro mula Cebu na nangangarap makapaglaro sa UAAP.
“We are all thrilled because this has always been our players’ dream—to join the UAAP. There is a lot of talent in Cebu that hasn’t been given the chance to come here to Manila,” ani head coach Ricor Marfil.
Binigyang-diin din ni Marfil na mananatiling prayoridad ng koponan ang pag-aaral ng mga manlalaro sa kabila ng kanilang pagsabak sa torneo sa Metro Manila.
Naglaan ang coaching staff ng tutorials at modular classes upang matulungan silang makasabay sa kanilang mga aralin habang nakabase sa Maynila.
Kasama rin sa mga guest institution ngayong season ang National Academy of Sports, na sasabak sa table tennis, athletics, swimming, judo at taekwondo.