DYARYO TIRADA
Robin Padilla isinusulong same-sex partnership sa Senado
Iginugulong ni Senador Robin Padilla sa Senado ang legal na pagkilala sa pagsasama ng mga magkakaparehong kasarian sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 600 o Civil Partnership Act na inihain ni Padilla noong Hulyo 2025, layong mabigyan ng pantay na karapatan at proteksiyon sa ilalim ng batas ang same-sex couples.
Kabilang sa mga probisyon ng panukalang batas ang pagkakaroon ng karapatan sa ari-arian, mana, pag-aampon at social security benefits, gayundin ang proteksiyon laban sa diskriminasyon.
Bagama’t naniniwala si Padilla na ang kasal ay para sa lalaki at babae alinsunod sa kaniyang pananampalataya bilang Muslim, naninindigan ang senador na nararapat lamang na mabigyan ng pantay na karapatan ang bawat Pilipino anuman ang kanilang kasarian.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsulong ang senador ng naturang panukala. Matatandaang inihain din niya ang Senate Bill No. 449 o Civil Unions Act noong 2022 sa ilalim ng ika-19 na Kongreso.
Nilalayon ng panukala na kilalanin ang civil partnership at hindi baguhin ang umiiral na depinisyon ng kasal sa bansa.
Nananatili sa antas ng komite sa Senado ang naturang panukalang batas.