Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Renewable energy sector, good shot sa DOE

Michael Pingol · Nov 20, 2026, 10:07 PM

Vecteezy

Binigyang-puri ng Department of Energy (DOE) ang malaking ambag ng sektor ng renewable energy (RE) matapos itong makapagtala ng 79 porsiyento o katumbas ng P745.10 bilyon sa kabuuang aprubadong pamumuhunan ng Board of Investments (BOI) sa unang siyam na buwan ng 2026.

Ayon sa DOE, nagpapakita ang naturang halaga ng patuloy na pagtitiwala ng mga mamumuhunan sa potensiyal ng malinis at napapanatiling enerhiya sa bansa.

Kaugnay nito, patuloy na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan (LGU), transmission developers, at mga stakeholder sa industriya upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga proyektong pang-enerhiya.

Kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng DOE ang pagpapabilis sa proseso ng pagkuha ng mga permit at agarang pagtugon sa mga hamon na may kaugnayan sa koneksyon ng mga proyekto sa power grid.

Inaasahang makatutulong ang mga proyektong ito sa pagpapalakas ng suplay ng kuryente sa bansa, paglikha ng karagdagang trabaho, at pagsuporta sa paglago ng mga lokal na industriya.

Layunin din ng mga ito na matiyak ang mas maaasahan, ligtas, at tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya para sa mga susunod na henerasyon.