DYARYO TIRADA
Political dynasty, wakasan na!
[EDITORYAL]
Bilang isang bansang demokratiko, ang kapangyarihan ay dapat nagmumula sa mamamayan at hindi namamana mula sa isang henerasyon patungo sa mga susunod.
Sa kasalukuyang sistema ng politika sa bansa, patuloy na umiiral ang political dynasty o pamamayani ng mga pamilyang sunod-sunod na humahawak ng mga posisyon sa pamahalaan. Sa halip na mabigyan ng pagkakataon ang iba pang kwalipikadong mamamayan, tila nagiging eksklusibo na lamang ito sa kanila.
Hindi maikakaila na may mga miyembro ng pamilyang politiko na may kakayahan at karanasan sa paglilingkod. Gayunpaman, nararapat lamang na bigyan ng pantay na pagkakataon ang lahat na makilahok sa pamamahala.
Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, nakasaad sa Artikulo II, Seksyon 26 ang patakaran ng estado na tiyakin ang pantay na pagkakataon sa paglilingkod-bayan at ipagbawal ang political dynasties ayon sa itatakda ng batas. Gayunman, nananatiling mahalagang usapin ang pagpapatibay ng kaukulang batas upang maisakatuparan ito.
Sa isang tala ng Momentum Research na kinuha nitong Oktubre, sinasabing tatlo sa limang Pilipino o 60 porsyento, ang sumasang-ayon na isapasa ang batas sa Kongreso na naglalayong ipasa at ipagbawal ang political dynasties, habang sangkatlo (33%) naman ang tumututol sa iminumungkahing batas. Ang pitong porsyento naman, tumangging magbigay ng pananaw.
Ito ay patunay lamang na sawa na ang mga Pinoy sa paulit-ulit na pangalan na na nakaukit sa bawat proyektong panglokal o pangbansa. Sawa na sa paulit-ulit na mukhang nakangiti sa bawat tarpolin at kumakamay sa taumbayan tuwing eleksyon.
Maging ang Korte Suprema nitong Setyembre 16 ay nagpasyang may pang-aabuso sa diskresyon ng Kongreso dahil sa kabiguan nitong maipasa ang naturang batas
Ang pamumuno ay hindi dapat nakabatay sa apelyido, impluwensiya, o yaman ng pamilya, kundi sa kakayahan, integridad, at tunay na hangaring maglingkod sa bayan.
Kapag iisang angkan lamang ang paulit-ulit na namumuno, maaaring lumiit ang pagkakataon para sa mga bagong lider at alternatibong pananaw. Maaari rin nitong pahinain ang kompetisyon at pananagutan sa pamahalaan.
Nasa ating mga kamay ang pagbabago! Panahon na upang magising, mag-isip, at manindigan.
Dahil sa pamilyang namumuno, bayan ang nagsasakripisyo!