Daily Tribune

DYARYO TIRADA

MLBB, kinilala bilang Esports Mobile Game of the Year

James Pacala · Nov 20, 2026, 11:05 PM

Moonton

Kinilala ang Mobile Legends: Bang Bang (MLBB), isa sa mga nangungunang esports at multiplayer online battle arena (MOBA) games sa mundo, bilang Esports Mobile Game of the Year sa Esports Awards 2026.

Idinaos sa Adrienne Arsht Center for the Performing Arts sa Miami, United States, noong 17 Nobyembre—dinaluhan ng mga manlalaro, koponan, content creator at mga pinuno ng industriya upang kilalanin ang mga nagawa sa pandaigdigang esports. Dagdag ang parangal na ito sa patuloy na dumaraming pagkilala sa MLBB sa buong mundo.

Kasabay ng pagkilalang ito ang ika-10 anibersaryo ng MLBB, habang patuloy na pinalalawak ng developer nitong MOONTON Games ang presensiya ng laro sa iba’t ibang bansa.

Nakapagtala na ang MLBB ng mahigit 1.5 bilyong downloads at 110 milyong aktibong user bawat buwan. Napanatili rin nito ang pagiging pinakapinapanood na mobile esports game sa mundo mula 2021, batay sa datos ng Esports Charts.

Nagpasalamat si Ray Ng, pinuno ng esports ecosystem ng MOONTON Games, sa Esports Awards at sa pandaigdigang komunidad ng MLBB para sa pagkilalang natanggap ng laro. Sinabi niyang layunin ng kumpanya na maipalaganap ang laro sa bawat kontinente at maabot ang mas maraming manonood.

Kasunod ang parangal na ito ng matagumpay na taon para sa MLBB esports, na pinangunahan ng makasaysayang 5.68 milyon peak concurrent viewers sa pinakamataas na bilang nito sa M7 World Championship. Dahil dito, kinilala ang torneo bilang pinakapinapanood na mobile esports competition sa kasaysayan.

Lalo pang lumawak ang presensiya ng MLBB sa ibang bansa nang unang idaos sa Europe ang Mid Season Cup (MSC) at Women’s International bilang bahagi ng Esports World Cup (EWC) 2026 sa Paris, France. Naging bahagi rin ang laro ng 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.

Inaasahang magpapatuloy ang pag-angat ng MLBB sa 2027 sa pagdadala ng M8 World Championship sa Europe sa unang pagkakataon. Magsisimula ang torneo sa Wild Card stage sa Bangkok, Thailand, bago lumipat sa Istanbul, Türkiye, para sa Main Stage at Grand Finals.