DYARYO TIRADA
Kiray Celis, nanganak na!
Isa nang ganap na ina ang aktres at komedyanteng si Kiray Celis matapos isilang ang panganay nilang anak ng non-showbiz husband niyang si Stephan Estopia.
Ibinahagi ni Kiray ang magandang balita sa kaniyang Instagram account noong Huwebes, kasabay ng isang video na nagpakita ng mga kaganapan sa kaniyang panganganak sa Makati Medical Center.
“Pinaka magandang blessing na natanggap at dumating samin,” saad ng aktres sa kaniyang post.
Makikita rin sa video ang walang patid na pag-alalay ni Stephan sa kaniyang misis habang nanganganak ito.
Ipinasilip din ng aktres ang maliit na kamay ng kanilang baby boy sa huling bahagi ng video.
Bumuhos naman ang mga pagbati mula sa mga kapuwa artista at tagahanga ng mag-asawa sa pagsalubong nila sa panibagong yugto ng kanilang buhay bilang mga magulang.
Matatandaang inanunsiyo ni Kiray ang kaniyang pagbubuntis noong Abril, habang nag-gender reveal naman sila noong Mayo.
Ikinasal sina Kiray at Stephan Disyembre ng nakaraang taon, sa Shrine of St. Therese of the Child Jesus sa Pasay City.