DYARYO TIRADA
‘Filipiñana’ star Jorrybell Agoto pumanaw na
Gumulantang sa madla ang balitang pumanaw na ang indie film actress na si Jorrybell Agoto matapos ang kaniyang pakikipaglaban sa lymphoma sa edad na 31-anyos
Kinumpirma ng kaniyang kapatid na si Jed Agoto na binawian ng buhay ang aktres nitong Martes, 17 Nobyembre, dakong alas-5:20 ng hapon.
Matatandaang noong Setyembre ay isinailalim sa critical care sa St. Luke’s Medical Center si Agoto dahil sa kaniyang kondisyon.
Nauna na ring nanawagan ang kaniyang pamilya ng tulong pinansiyal para sa patuloy na lumalaking gastusin sa pagpapagamot ng aktres, na siyang breadwinner ng kanilang pamilya.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Film Development Council of the Philippines, Film Academy of the Philippines at iba pang personalidad sa industriya ng pelikula.
Tubong Sarrat, Ilocos Norte, nagtapos si Agoto ng Theater Arts sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) at nagsimulang sumabak sa pelikula noong 2019.
Nakilala siya sa pagganap bilang Isabel, isang 17-anyos na manggagawa sa golf course, sa breakout film na Filipiñana na idinerehe ni Rafael Manuel.
Nagwagi ang naturang pelikula ng Special Jury Prize for Creative Vision sa Sundance Film Festival at napili bilang opisyal na pambato ng Pilipinas sa Best International Feature Film category ng 2027 Oscars.
Kabilang din sa mga pelikulang pinagbidahan o kinabibilangan ni Agoto ang Tether, When This Is All Over, Sisa at Silenced Nights.