Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Urns mula sa pet crematorium, pekeng abo ang laman?

Michael Pingol · Nov 20, 2026, 12:11 AM

Hindi pet remains o abo ng mga hayop ang laman ng limang urn na nagmula sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium, batay sa resulta ng forensic examination ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Atty. Anna Cabrera ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), natukoy sa pagsusuri ang presensya ng silicon, iron, potassium at aluminum sa mga sample na kinuha mula sa mga urn.

Ipinaliwanag ni Cabrera na batay sa pagsusuri ng mga chemist, hindi dapat matagpuan ang mga naturang elemento kung tunay na labi o abo ng mga hayop ang laman ng mga urn.

“Hindi talaga ito [pet remains]. Itong mga components na ito, sabi ng kanilang mga chemist, shouldn’t be found kung pet remains talaga ‘yung andoon,” pahayag ni Cabrera.

Matatandaang nauna nang nabunyag ang pagkakatapon ng ilang patay na aso at pusa sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan, na nagdulot ng pagkabahala at mga katanungan hinggil sa umano’y iregularidad sa paghawak sa mga labi ng mga alagang hayop.