DYARYO TIRADA
Trump, ‘wapakels’ sa South China Sea tension
Sa kabila ng patuloy na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS), hindi umano nababahala si United States President Donald Trump sa sitwasyon sa pinag-aagawang karagatan.
Ito ay matapos tanungin hinggil sa kahandaan ng Estados Unidos na rumesponde sakaling gamitin ng Pilipinas ang Mutual Defense Treaty (MDT).
“I’m not concerned at all. I’m not concerned about that at all. That’ll be taken care of,” pahayag ng US head noong Miyerkules.
Tiniyak din ni Trump ang pagpapalawak ng kooperasyon ukol sa depensa ng dalawang bansa, kasabay ng pagbibigay diin sa mahigit $5 bilyong halaga ng armas na inaprubahan niya mula nang muling manungkulan taong 2025 para sa Pilipinas.
Sa ilalim ng MDT na nilagdaan noong 1951, kapuwa nangakong tutugon ang Pilipinas at Estados Unidos sakaling magkaroon ng armadong pag-atake laban sa alinman sa dalawang bansa.
Saklaw din nito ang mga barko ng Philippine Coast Guard at iba pang pampublikong sasakyang pandagat ng bansa sa South China Sea.
Ngayong 2026, ginugunita ng dalawang bansa ang ika-80 anibersaryo ng kanilang diplomatikong relasyon at ika-75 anibersaryo ng naturang kasunduan sa depensa.