DYARYO TIRADA
Tiger Woods, muling sasabak sa golf
LOS ANGELES (AFP) — Muling sasabak sa competitive golf si Tiger Woods sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit dalawang taon sa susunod na buwan, matapos kumpirmahing lalahok siya sa Hero World Challenge sa Bahamas, ayon sa mga organizer nitong Martes.
Kasama si Woods, sa listahan ng mga kalahok sa limitadong field ng PGA Tour event na gaganapin sa Albany mula ika-3 hanggang 6 Disyembre.
Ito ang unang pagkakataong sasabak si Woods sa isang opisyal na PGA Tour event mula Hulyo 2024.
Hinarap ng 15-time major champion ang sunod-sunod na injury at mga problemang legal mula nang huli siyang maglaro.
Noong Marso, nasangkot siya sa isang aksidente nang tumaob ang kanyang sasakyan sa Florida, na naging dahilan upang masuspinde ang kanyang lisensiya sa pagmamaneho sa loob ng limang taon.
Natukoy ng mga awtoridad na hindi siya nakainom ng alak, ngunit nagpakita umano siya ng mga palatandaan ng kapansanan sa pagmamaneho.
Si Woods, na sumailalim na sa ilang operasyon sa likod at mga operasyon dahil sa matinding pinsala sa binti na natamo niya sa hiwalay na aksidente sa California noong 2021, ay may dalang dalawang tableta ng hydrocodone, isang opioid na ginagamit bilang pampawala ng sakit.
Tumanggi siyang sumailalim sa urine test kaya kinasuhan, ikinulong at kalaunan ay pinalaya kapalit ng piyansa.
Una siyang umaming walang sala sa mga kasong pagmamaneho habang nasa impluwensiya ng droga o alak (DUI) na nagdulot ng pinsala sa ari-arian, at pagtangging sumailalim sa legal na pagsusuri.
Makalipas ang ilang araw, sinabi niyang pansamantala siyang lalayo sa golf upang magpagamot at pagtuunan ng pansin ang kanyang kalusugan.
Mula nang mangyari ang aksidente, bumiyahe si Woods sa labas ng Estados Unidos upang magpagamot sa isang inpatient facility, na iniulat na matatagpuan sa Switzerland.
Una siyang nagpakita sa publiko matapos ang pagkakaaresto sa PGA Tour’s Travelers Championship noong Hunyo. Kalaunan, nakipagkasundo siya sa prosekusyon na nagresulta sa suspensiyon ng kanyang lisensiya sa pagmamaneho.
Hindi pa muling nagwawagi si Woods sa isang torneo mula nang masungkit niya ang titulo sa Zozo Championship sa Japan noong 2019.