DYARYO TIRADA
Mas kaunting barko ng China, namataan sa WPS
Bumaba ng halos isang-katlo ang bilang ng mga barko ng China na namataan sa mahahalagang bahagi ng West Philippine Sea kasabay ng pagdaraos ng ASEAN Summit sa Pilipinas.
Ayon sa datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabuuang 19 na barko ng China ang namonitor sa Ayungin Shoal, Bajo de Masinloc, Escoda Shoalw at Pag-asa Island mula Nobyembre 9 hanggang 16. Mas mababa ito ng 10 kumpara sa 29 na barkong naitala mula Nobyembre 3 hanggang 8.
Sa 19 na barkong namataan, 14 ang mula sa China Coast Guard habang lima naman ang mula sa People’s Liberation Army Navy.
Sa nakaraang linggo, naitala ang 20 barko ng China Coast Guard at siyam na barkong pandigma ng China.
Pinakamaraming barko ang namonitor sa Bajo de Masinloc na may siyam, kasunod ang Ayungin Shoal na may anim. Tatlo naman ang namataan malapit sa Pag-asa Island at isa sa Escoda Shoal.
Naganap ang pagbaba ng bilang ng mga barko ng China kasabay ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit. Gayunman, wala pang kumpirmasyon na may direktang kaugnayan ang dalawang pangyayari.