Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Kaso laban sa Laguna governor ibinasura

Josephine D. Escovidal · Nov 19, 2026, 11:09 PM

Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang reklamong may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo para sa disaster programs ng Laguna laban kay Governor Sol Aragones, ngunit hiniling ng nagreklamo na baligtarin ang desisyon sa pamamagitan ng motion for reconsideration.

Kung matatandaan, naghain ang complainant ng mosyon noong 11 Nobyembre upang kuwestiyunin ang naging pasya ng anti-graft body at hilinging muling suriin ang kaso.

Nagmula ang reklamo sa umano’y maling pangangasiwa at paggamit ng pondong nakalaan para sa mga programang may kaugnayan sa kalamidad at mga aktibidad para sa emergency response sa lalawigan.

Kasunod ng pagbasura sa reklamo, ipinadala rin sa tanggapan ng gobernador ang kopya ng mosyon para sa reconsideration.

Sa mosyon, hiniling ng nagreklamo na repasuhin ng Ombudsman ang batayan ng naunang desisyon at muling timbangin ang mga alegasyon laban sa mga respondent.

Gayunman, hindi awtomatikong binabawi ng paghahain ng mosyon ang dismissal ng reklamo. Nasa Ombudsman pa rin ang pagpapasya kung pananatilihin o babaligtarin ang naunang ruling.

Hanggang 19 Nobyembre ay wala pang kumpirmadong bagong desisyon ang anti-graft office kaugnay ng mosyon.