DYARYO TIRADA
‘Istanding!’
[EDITORYAL]
Araw-araw, tinatayang 170,000 hanggang 200,000 pasahero ang dumaraan sa pinakamalaking landport sa bansa, ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), ayon sa Department of Transportation (DoTr). Sa dami ng mga taong umaasa rito, hindi maiiwasang maging bahagi ng pang-araw-araw na tanawin ang mahahabang pila at siksikan sa terminal.
Bus, tren at transport network vehicle services (TNVS) ang ilan sa mga sasakyang ginagamit ng mga pasaherong dumaraan sa PITX. Ngunit para sa mga umuuwi sa kani-kanilang probinsiya, hindi laging ganoon kadali ang paghahanap ng masasakyan.
Kung darating ka sa PITX bandang alas-7 ng gabi, maaari mong masaksihan ang mahahabang pila ng mga pasaherong naghihintay ng kanilang masasakyan.
May mga nakatayo, may mga nakaupo sa kanilang mga dala-dalahan, at mayroon ding paulit-ulit na nagtatanong kung kailan darating ang susunod na bus.
Kabilang sa mga ito ang mga pasaherong pauwi sa Cavite, Laguna, Batangas, Bicol at iba pang probinsiya. Para sa kanila, hindi lamang haba ng pila ang problema kundi ang kakulangan ng mga provincial bus na maghahatid sa kanila sa kanilang mga destinasyon.
Ang PITX ay isang pampublikong terminal ng transportasyon na itinayo at pinatatakbo sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP).
Layunin nitong pagsama-samahin ang iba’t ibang uri ng transportasyon upang gawing mas maayos at episyente ang biyahe ng mga pasahero. Ngunit sa kabila ng layuning ito, nananatiling hamon ang sapat na bilang ng mga bus at ang maayos na daloy ng mga biyahe patungo sa mga probinsiya.
Kapansin-pansin na mas kulang pa ang mga pasilidad at sasakyan kung ikukumpara sa presensiya ng mga komersiyal na establisimyento sa loob ng terminal.
Sa halip na higit na pagtuunan ng pansin ang pagpapalawak ng mga pasilidad na direktang makatutugon sa pangangailangan ng mga komyuter, tila mas nabibigyan ng puwang ang mga negosyong maaaring pagkakitaan.
Hindi naman masama ang pagkakaroon ng mga tindahan at iba pang establisimyento, ngunit dapat malinaw kung ano ang pangunahing tungkulin ng terminal: Ang pagsilbihan ang mga pasahero.
Hindi rin maaaring isantabi ang kalagayan ng mga bus operator. Ang pagtaas ng presyo ng langis, gastos sa maintenance at iba pang gastusin sa operasyon ay maaaring makaapekto sa bilang ng mga unit na naipapasada. Gayunman, hindi dapat ang mga pasahero ang palaging sumalo sa epekto ng mga problemang ito.
Hindi sapat na magtayo ng malaki at modernong terminal kung hindi naman natutugunan ang pangangailangan ng mga taong gumagamit nito. Ang tunay na sukatan ng maayos na sistema ng transportasyon ay hindi lamang ang dami ng pasaherong kayang tanggapin ng isang pasilidad, kundi kung gaano kadali, kabilis at katiyak silang nakararating sa kanilang destinasyon.
Kailangang kumilos ang DoTr, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at pamunuan ng PITX upang matiyak na sapat ang mga provincial bus, maayos ang mga biyahe at natutugunan ang pangangailangan ng mga pasahero. Dapat ding suriin ang mga rutang kulang sa sasakyan at palakasin ang koordinasyon sa mga bus operator.
Hindi dapat maging normal ang mahabang paghihintay at kawalan ng kasiguruhan sa pagsakay.
Kung itinayo ang PITX upang pagaanin ang biyahe ng mga Pilipino, dapat nitong unahin ang kapakanan ng mga pasahero. Hindi sapat ang malaking terminal kung kulang naman ang mga bus na maghahatid sa kanila sa kanilang tahanan.