Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Diplomasya sa WPS ang kailangan – Imee Marcos

Michael Pingol · Nov 19, 2026, 11:18 PM

SENATOR Imee Marcos — Photo courtesy of Senate of the Philippines / FB

Mayroong panawagan si Senator Imee Marcos sa pamahalaan na palakasin at pabilisin ang mga hakbang diplomatiko upang maisulong ang isang umiiral at epektibong Code of Conduct sa West Philippine Sea.

Kasunod ito ng pahayag ni United States President Donald Trump na hindi siya nababahala sa tensiyon sa naturang karagatan at maaari naman umanong maresolba ang isyu. Sinabi ito ni Trump sa kanyang bilateral meeting kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang, nang tanungin kung handa ang Estados Unidos na ipatupad ang Mutual Defense Treaty sakaling lumala ang sitwasyon.

Bukod dito, nagpahayag din si Imee ng pag-asang magkakaroon ng mas tiyak na pagkilos upang matigil ang patuloy na karahasan sa Myanmar.

Gayunman, kinilala niya ang ilang nagawa ng Pilipinas sa pamumuno nito sa ASEAN ngayong 2026. Kabilang dito ang paglagda sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement, pagpapalakas ng kooperasyon sa regional power grid, at pagsusulong ng kampanya laban sa mga transnational online crime.

Binigyang-pansin din ng senador ang naiulat na P22.9 bilyong pondong ginugol ng bansa sa pagho-host ng ASEAN Summit.

Ayon sa senadora, mahalagang suriin kung katumbas ng mga nakamit na diplomatikong benepisyo ang laki ng inilabas na pondo, lalo’t patuloy na nahaharap ang mga Pilipino sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang suliraning pang-ekonomiya.