DYARYO TIRADA
Boyet Ahmee, muling nag-propose kay Dimples Romana
Muling pinatunayan ni Romeo “Boyet” Ahmee Jr. ang kanyang walang hanggang pagmamahal sa asawang aktres na si Dimples Romana matapos itong muling alukin ng kasal sa Paris, France, 23 taon matapos niyang unang mangakong makakasama ito habambuhay.
Sa pagkakataong ito, naging romantikong backdrop ang tanyag na Eiffel Tower sa muling proposal ni Boyet para sa kanyang misis.
Sa isang Instagram post nitong Miyerkules, Nobyembre 19, binalikan ni Boyet ang pangakong binitiwan niya kay Dimples mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. Ibinahagi rin niya ang kahalagahan ng patuloy na pagpili sa isa’t isa sa kabila ng mahabang panahong pinagsamahan.
Ayon kay Boyet, kung bibigyan man siya ng pagkakataong ulitin ang kanyang buhay, si Dimples pa rin ang pipiliin niya sa bawat pagkakataon at sa anumang buhay.
“Sa bawat buhay, sa bawat pakikipagsapalaran, ikaw pa rin. Ikaw at ikaw lamang, palagi,” pahayag niya.
Muling nagbigay-kilig sa kanilang mga fans ang romantikong tagpong ito na nagpapakita na ang tunay na pagmamahalan ay hindi lamang nasusukat sa tagal ng pagsasama, kundi sa patuloy na pagpili sa isa’t isa araw-araw.