DYARYO TIRADA
NNCHS, nag-uwi ng 3 ginto at 1 tanso sa International Robolution sa Dubai
Muling nagbigay ng karangalan sa lalawigan ng Ilocos Sur ang mga guro at mag-aaral ng Narvacan National Central High School (NNCHS) matapos masungkit ang tatlong gintong medalya at isang tansong medalya sa ginanap na International Robolution sa Dubai, United Arab Emirates (UAE), noong Nobyembre 14 at 15.
Naitala ng delegasyon ng NNCHS ang mga panalo sa E-Robo Quiz (High School Category), E-MegaSumo V1.5, at E-SoccerBot (Teacher Category), na pawang nagkamit ng gintong medalya. Samantala, nasungkit naman nila ang ikatlong puwesto sa E-SoccerBot (Student Category), na nagbigay sa kanila ng tansong medalya.
Kabilang sa mga kinilalang nagtagumpay sa kompetisyon sina Kyle Zedric Adviento, Mark Lee Aquino, at Chazz Emmanuel Miguel, sa ilalim ng paggabay at pagsasanay ng kanilang mga coach.
Ipinamalas ng mga guro at mag-aaral ang kanilang angking talino, husay, at kakayahan sa larangan ng robotics at makabagong teknolohiya, na nagpapatunay sa kahandaan ng mga kabataang Pilipino na makipagsabayan sa pandaigdigang kompetisyon.
Ang tagumpay na ito ay hindi lamang karangalan para sa NNCHS kundi maging sa buong lalawigan ng Ilocos Sur at sa bansa.