Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Mga magulang na raliyista, kinuwestiyon

Michael Pingol · Nov 18, 2026, 11:08 PM

Kinuwestiyon ng Philippine National Police (PNP) ang mga magulang na nagsasama ng kanilang mga menor de edad na anak sa mga kilos-protesta, kasunod ng pagkakaaresto sa mahigit 200 indibidwal at pagsagip sa humigit-kumulang 20 menor de edad sa serye ng mga rally na isinagawa kasabay ng ASEAN Summit.

Ayon kay PNP Spokesperson General Allen Rae Co, kabilang sa mga nasagip na menor de edad ang anim na batang edad 15 pababa. Pinakabata naman sa mga ito ang isang 11-anyos na bata.

Dahil sa pagkakasangkot ng mga menor de edad sa naturang mga protesta, nagpahayag ng pagkabahala ang PNP sa desisyon ng ilang magulang na isama ang kanilang mga anak sa mga kilos-protesta, lalo na kung maaari silang malagay sa panganib sa gitna ng tensyon at kaguluhan.

Kaugnay nito, pinag-aaralan na ng pulisya kung maaari ring panagutin at sampahan ng kaukulang kaso ang mga magulang ng mga batang nasagip.

Patuloy namang sinusuri ng PNP ang mga pangyayari upang matukoy ang posibleng pananagutan ng mga sangkot, partikular ang papel ng mga magulang sa pagdadala ng kanilang mga menor de edad na anak sa mga naturang demonstrasyon.