DYARYO TIRADA
Mag-amang Yamyamin, nanguna sa Durian Tee Golf Tournament
Idinagdag ng mag-amang sina Joel at Reinz Yamyamin ang isa pang titulo sa kanilang dumaraming koleksyon matapos tanghaling team gross champion sa ika-34 na Durian Tee Invitational golf tournament sa Apo Golf and Country Club.
Nakuha ng pamilyang Yamyamin ang 193 na puntos sa kompetisyong gumamit ng 36-hole Molave points system.
Nalampasan nila ang tambalan nina Bayani Garcia at Juan Karloz Alba, na nagkasya sa pwestong runner-up matapos magtala ng 191 na puntos.
Samantala, nakuha nina Dan Juson at Oliver Aznar ang tropeo para sa team net champion na may 225 puntos, habang napunta naman kina Don Zamora at Eduardo de Guzman ang 1st runner-up na may 222 puntos.
Sa kategoryang pang-indibidwal, nasungkit ni EJ Casintahan ang overall gross title na may 105 puntos, habang pinangunahan naman ni Edwin Valledor Sr. ang mga nagwagi sa overall net na may 123 na puntos.