Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Sandara Park type gumawa ng Pinoy movie

Marie Cris Estrada · Nov 18, 2026, 2:06 AM

SANDARA park — Dara Tour

Interesado na muling gumawa ng pelikulang pinoy si K-pop star at dating Kapamilya actress na si Sandara Park, halos dalawang dekada matapos niyang lisanin ang bansa upang mag-focus sa kaniyang career sa South Korea.

Sa isang panayam, sinabi ng dating 2NE1 member na nais niyang sumabak muli sa pag-arte, partikular sa mga pelikulang may mas mature na karakter at love story.

“I want to do a Pinoy movie again,” ani Sandara.

Binalikan din ng pambansang krung-krung ang kaniyang mga unang proyekto sa Pilipinas, kung saan madalas siyang gumanap bilang exchange student dahil hindi pa siya bihasa sa Tagalog.

Ngayon, naniniwala siyang mas marami na siyang kayang gampanan na roles dahil mas matatas na siya mag-tagalog.

“Dati when I was 20 years old, lahat ng roles ko exchange student, mga ganun. Hindi pa marunong mag-Tagalog, pero ngayon mas magaling [na] ako mag-Tagalog. So, I think I can do much more mature roles and ‘yung mga love story, mga ganun,” dagdag niya.

Sa parehong panayam, inamin din ni Sandara na may mga pagkakataong naiisip niyang sana ay hindi na lamang siya umalis sa Pilipinas noong 2007.

Gayunman, ipinaliwanag niya na ninais niyang subukan ang kaniyang abilidad sa South Korea kaya niya sinuong ang entertainment scene sa naturang bansa kahit walang pundasyon at umaarangkada na ang career niya sa Pinas.

“I just tried anything, I love the challenge and trying new things,” pagbabalik-tanaw niya.

Unang nakilala si Sandara nang maging first runner-up sa Star Circle Quest noong 2004. Naging ka-love team niya si Hero Angeles at lumabas sa mga pelikulang “Bcuz of U” at “Can This Be Love”.

Noong 2009, nag-debut siya bilang miyembro ng K-pop girl group na 2NE1 kasama sina CL, Park Bom at Minzy na ngayon ay disbanded na.