Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Salot na ‘plastik’

EDITORYAL

DT · Nov 18, 2026, 2:02 AM

Toto Lozano

Salot ang basurang plastik sa kalikasan. Sa karagatan, ang mga supot na plastik ay kumikitil ng buhay ng isda, pawikan at iba pang hayop. Napagkakamalan itong pagkain at binabara ang lalamunan ng mga lamang dagat. Imbes na kabusugan ang maramdaman, kamatayan ang dinadanas kapag bumara na ang plastic sa lalamunan.

Ang mga plastik na hibla ng lumang lambat ay pumipilipit sa kamay o liig ng pawikan hanggang sa mawalan sila ng hininga.

Banta rin sa buhay ng tao ang polusyon sa plastic. Ang mga tapong bote ng tubig o softdrink ay bumabara sa mga kanal o daluyan ng tubig-ulan na nagiging sanhi ng pagbaha sa siyudad. Kung hindi may malunod sa taas ng baha, uuwi sa bahay ang mga lumusong dito na may dalang mikrobyo ng leptospirosis.

Kasing delikado ng polusyon sa plastic ang kaplastikan ng mga negosyador para sa kapayapaan at tigil-putukan ng mga nagdidigmaang bansa, tulad ng Rusya at Ukraine.

Haharapin at makikipagkamay sila sa mga namamagitan o umaawat, ang pakay kuno ay matigil ang patayan. Subalit habang nasa mesa ng negosasyon, ang kani-kanilang militar naman ay binobomba ang kalaban.

Anong silbi ng pag-uusap para sa kapayapaan kung namamatay pa rin ang mga tao sa mga pagsabog ng bombing dala ng drone, kung tuloy pa rin ang pagpapasabog sa mga gusali, imprastraktura at planta ng kuryente?

Alam ng mga negosyador ng Russia at Ukraine ang pagpapatuloy ng patayan habang sila’y nag-uusap para matigil ito; sila’y mga hipokrito at plastik. Maaari namang itigil muna nila ang digmaan, ngunit may pinaiiral nila ang pakikipagplastikan.

Delikado ang polusyon sa plastik na basura, ngunit mas nakamamatay ang plastikan ng mga sugo kuno ng kapayapaan.

Nakakabahala man ang ganitong asal, ito ang kalakaran sa bulok na sistema ng diplomasya. Magkaroon man ng kasunduan ang nagpapatayang panig sa dulo ng negosasyon at usapang pangkapayapaan, hindi na maibabalik ang mga nakitil na buhay.

Sa panig naman ng mga umaawat at namamagitan, bagaman maganda ang kanilang ginagawa, may bahid ito ng kabiguan. Aanhi pa ang kapayapaan kung patay na ang mga tao?

Masasabing likas ang pakikipagplastikan upang maisagawa ang negosasyon para tapusin ang gyera. Kaya naman di nakakapagtaka na nasisikmura ng mga negosyador ang mga nalalagas na buhay sa digmaan ng Russia at Ukraine habang sila ay nag-uusap. Subalit makailang beses na rin sinusubukan ng magkabilang panig na makapag-usap para sa tigil-putukan at hindi naman umaabot sa kasunduan.

Tunay bang nais nilang matigil na ang digmaan o kunwari lang na gusto nila ng kapayapaan?

Kung patatagalin nila, lalala ang sitwasyon, mauubos ang mga sundalo nila at marami pang buhay sa pakikipaglaban. Mauubos ang mga planta ng kuryente ng Ukraine at mga oil refinery ng Russia.

Kaya ang unang hakbang tungo sa matapat na negosasyon ay ang pagpapakatotoo. Kung gusto talaga ng Russia o Ukraine ng tigil-putukan o kapayapaan, itigil muna nila ang pagiging plastik!

Madali man o hindi madali itong gawin, kailangang gawin para makamit ang tunay na kapayapaan.