DYARYO TIRADA
Pinas ‘bida’ worldwide dahil sa magulong ASEAN hosting
Umani ng pandaigdigang atensyon ang naging kaguluhan sa iba’t ibang panig ng bansa matapos sumiklab ang malawakang protesta kontra sa pagdating ni United States President Donald Trump para sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Kabilang sa mga international media na nag-ulat sa mga nangyaring riot ang Al Jazeera, 9 News, at CNN.
Itinampok sa kanilang mga balita na sa gitna ng pangunguna ng Pilipinas bilang host ng summit, nabalot din ang pagtitipon ng mga kilos-protesta at maramihang pag-aresto sa mga raliyista.
“Protesters have vowed to continue resisting the planned development, promising to fight policies that they say served the interest of the few while sacrificing the livelihoods and futures of the many,” ayon sa isang report ng CNN.
Sa Metro Manila pa lang, mahigit 200 indibidwal na ang inaresto ng mga pulis nitong Lunes—ang pinakamalaking bilang sa loob ng isang araw sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Ayon sa tala ng Southern Police District, 236 ang naiulat na nadakip sa National Capital Region, habang nasa 300 naman ang tantiya ng progresibong grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).
“Ito ang pinakamalaking maramihang pag-aresto sa loob ng isang araw sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Mas marami ito kaysa sa bilang ng mga inaresto noong Setyembre 21. At sa kasamaang-palad, mas marami pa kaysa sa mga pag-arestong ginawa sa isyu ng korapsyon sa flood control,” saad ni BAYAN president Renato Reyes Jr.
Dahil sa umano’y karahasang ipinamalas ng mga awtoridad at paglabag sa maximum tolerance, nagbanta ang grupo na pananagutin ang mga ito. “Definitely magkakaso po kami sa mga kapulisan,” giit ni Reyes sa isang panayam sa radyo.
Samantala, ibinunyag naman ni Charm Maranan, lead paralegal ng Lakbayan ng Timog Katagalugan, na hindi maganda ang kalagayan ng mga naarestong dinala sa Camp Bagong Diwa.
Ayon sa kanya, bukod sa hindi maayos ang bentilasyon sa lugar, marami rin sa mga nakadetine ang nagtamo ng iba’t ibang pinsala sa katawan.
Maging sa Cebu ay naging maingay din ang girian sa pagitan ng mga nagpoprotesta at mga pulis noong Lunes matapos umanong patayin ng mga otoridad ang apoy mula sa maliit na iffigy ng mga raliyista.
Nag-ugat ang matinding pagkilos ng mga raliyista—kabilang ang mga grupo ng katutubo at magsasaka—sa pagtutol sa proyektong Pax Silica, isang inisyatibong Artificial Intelligence (AI) data centerng Estados Unidos, na sumusukat ng halos 1,620 ektarya at planong itayo sa Clark City, Pampanga, na makaaapekto sa mga naninirahang katutubong Aeta sa lugar.
Bagaman inaasahang magiging bahagi ng usapin ang pagtatayo ng nito, nananatiling malabo kung mauuwi ito sa isang pormal na kasunduan.