DYARYO TIRADA
Hindi lahat ng problema trabaho ng pulis
May bago na bang mandato ang kapulisan? Bukod sa pagpapatupad ng batas, pagpapanatili ng kaayusan at pagprotekta sa publiko, tila kasama na rin ngayon sa kanilang mga gawain ang pag-iinspeksyon sa mga palayan bilang paghahanda sa El Niño.
Viral sa social media ang mga larawan ng mga tauhan ng San Joaquin Municipal Police Station sa Iloilo habang iniinspeksyon ang mga palayan at iba pang agricultural areas bilang paghahanda umano sa El Niño.
Ayon sa pahayag ng himpilan, layunin nitong matukoy ang posibleng epekto ng tagtuyot, kabilang ang kakulangan sa tubig, at palakasin ang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya.
Mabuti ang layuning maghanda. Ngunit may mahalagang tanong na hindi nasasagot ng mga larawan at ng pangkalahatang paglalarawan ng aktibidad: Ano ang naging assessment ng kapulisan?
May natukoy ba silang mga sakahang nanganganib mawalan ng patubig? May irigasyon bang nangangailangan ng pagkukumpuni? May mga magsasakang nangangailangan ng tulong? May ulat o rekomendasyong ipinasa sa mga ahensyang may teknikal na kakayahang tumugon?
Hindi ipinagbabawal sa Philippine National Police (PNP) ang makilahok sa disaster preparedness at mga gawaing pangkaligtasan. Maaari itong makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya, magbigay ng suporta at tumulong sa pagpapabatid ng mga panganib sa komunidad.
Subalit ang pakikiisa ay hindi nangangahulugang pagpapalawak ng sariling mandato. May mga ahensyang may espesyalisadong kakayahan at responsibilidad sa agrikultura, irigasyon at suplay ng tubig, kabilang ang Department of Agriculture at National Irrigation Administration.
Hindi tungkulin ng kapulisan na pumalit sa mga ahensyang ito o magsagawa ng teknikal na pagsusuring nangangailangan ng espesyalisadong kaalaman. Ang nararapat ay koordinasyon, malinaw na paghahati ng responsibilidad at pagsangguni sa tanggapang may kapangyarihang magpatupad ng solusyon.
Ang paglahok ng PNP ay dapat nakabatay sa batas, mga patakaran ng organisasyon at malinaw na pangangailangan sa public safety. Dapat matukoy kung sino ang mangunguna sa teknikal na pagtatasa at kung ano ang limitasyon ng papel ng bawat tanggapan. Maiiwasan sa ganitong paraan ang pagdoble ng gawain, kalituhan sa pananagutan at pag-aaksaya ng yamang pampubliko.
Hindi dapat maging pangunahing layunin ang pagbuo ng accomplishment report dahil lamang may direktiba mula sa nakatataas. Kung ang aktibidad ay isinasagawa upang may maipasa, makunan ng litrato o maipaskil sa social media, kailangang itanong kung ano ang tunay nitong naidulot sa komunidad.
Isa pa, hindi masama ang dokumentasyon; bahagi ito ng transparency at pananagutan. Ngunit hindi nito napapalitan ang serbisyo. Maaaring patunayan ng mga larawan na may inspeksyong naganap, ngunit hindi nito awtomatikong pinatutunayang may natukoy na problema o naipatupad na ang kinakailangang interbensiyon.
Hindi litrato, hashtags o maayos na caption ang kailangan ng mga magsasaka. Kailangan nila ng maaasahang patubig, sapat na suplay ng tubig at konkretong tulong upang mapangalagaan ang kanilang pananim at kabuhayan.
Kung may problema sa irigasyon, iakyat ito sa NIA; kung may pangangailangan sa agrikultura, idulog sa DA at lokal na pamahalaan. Kung may usaping pangkaligtasan, dapat kumilos ang PNP alinsunod sa batas at mandato nito.
Ito ang diwa ng inter-agency coordination: Bawat institusyon ay gumaganap sa tungkuling ipinagkatiwala rito habang nagtutulungan para sa publiko. Hindi ito paligsahan sa dami ng aktibidad o pagpapakita lamang ng presensiya sa social media.
Dapat malinaw sa publiko ang resulta ng inspeksyon. Kung may natukoy na panganib, ilahad kung ano ito at kung aling ahensya ang naabisuhan. Kung may rekomendasyon, sabihin kung kanino ito ipinadala at ano ang susunod na hakbang. Kung wala pang natukoy na konkretong problema, sabihin iyon nang tapat. Mas makabuluhan ito kaysa sa pangkalahatang pahayag tungkol sa kahandaan.
Mga sir, ang mandato ng isang ahensya ay hindi palamuti na maaaring palawakin para dumami ang maiuulat na accomplishment. Ito ang hangganan ng kapangyarihan at batayan ng pananagutan. Hindi sapat ang mabuting intensiyon kung walang malinaw na resulta at hindi iginagalang ang tungkulin ng ibang institusyon.
Kaya muli: Ano ang inyong assessment, mga sir? Ano ang inyong natuklasan, kanino ninyo ito iniakyat, at anong konkretong aksiyon ang kasunod?
Alamin ang inyong mandato. Gampanan ang inyong tungkulin. Makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya. Maghatid ng nasusukat na resulta. Sa serbisyong publiko, hindi dami ng larawang na-upload ang sukatan ng pagtupad sa tungkulin, kundi ang makabuluhang pagbabagong naidulot sa buhay ng mamamayan.