DYARYO TIRADA
England, tinuldukan ang unbeaten run ng Spain
Tinapos ng England ang makasaysayang 43-match unbeaten streak ng Spain matapos magwagi, 3-2, sa UEFA Nations League nitong Linggo, 15 Nobyembre, sa Riyadh Air Metropolitano Stadium sa Madrid.
Nanguna sa England si captain at Ballon d’Or winner Harry Kane, na nagbukas ng iskor sa pamamagitan ng penalty bago ang halftime. Sinundan ito ng mga goal nina Ezri Konsa at Ben White sa ikalawang bahagi upang itayo ang 3-0 kalamangan ng Three Lions.
Gayunman, nagkaroon ng pag-asa ang Spain matapos mapatalsik si Elliot Anderson sa ika-63 minuto dahil sa foul kay Lamine Yamal. Naipasok ni Mikel Oyarzabal ang penalty bago nagdagdag ng goal si Nico Williams upang ilapit ang Spain sa isang puntos. Sa kabila ng matinding pressure sa mga huling minuto, napangalagaan ng England ang panalo.
Huling natalo ang Spain noong Marso 2024 kontra Colombia, 1-0, sa isang friendly match sa London. Mula noon, nasungkit ng koponan ni coach Luis de la Fuente ang UEFA Euro 2024 at 2026 FIFA World Cup, habang nanatiling walang talo sa loob ng 43 laro.
Nagtapos ang England sa unang puwesto ng Group A3 at direktang umusad sa quarterfinals ng kompetisyon.
Tinawag naman ni England head coach Thomas Tuchel na pinakamagandang performance ng kanyang koponan mula nang hawakan niya ang national team ang panalo kontra Spain.
“It was a brilliant performance and a well-deserved win,” ani Tuchel, na pinuri rin ang tapang, enerhiya at kalidad na ipinakita ng kanyang mga manlalaro.