DYARYO TIRADA
Bini, SB19 pasok sa Grammys 2027
Tuloy-tuloy na talaga ang pagyabong ng Pinoy music scene dahil sa dagdag karangalan na nakamit ng P-pop powerhouses Bini at SB19 matapos opisyal na mapasama sa nominees para sa 69th Grammy Awards.
Ang dalawang grupo, parehas na lusot para sa bagong kategorya na Best Asian Pop Music Performance.
Nominado sa naturang kategorya ang kantang “Unang Kilig” ng Bini habang “Visa” naman ang ibibida ng SB19.
Parehas na nagbahagi ng excitement ang grupo sa kanilang social media accounts habang nagpapasalamat sa kanilang fans.
“A historic moment for OPM, for Filipino music, and for everyone who believes in them. The girls are making history, and we couldn’t be prouder!” saad ng Bini.
“From the Philippines to the world, thank you for believing in SB19 and standing with us as we carry Filipino music to the global stage!” pahayag naman ng boy group.
Samantala, makatutunggali ng pinoy acts sa kategorya ang Babymetal mula sa Japan, IVE at KiiKii ng Korea, pati na rin ang Thai superstar na si Lisa.
Nakatakdang ganapin ang awards night ika-7 ng Pebrero sa Los Angeles, California.