DYARYO TIRADA
Ama ng pinaslang na nursing student, pumanaw
Hindi pa man nakakarekober mula sa pagkasawi ng anak, pumanaw na si Roden Gabayno, ama ng pinaslang na nursing student na si Altheia Maru Gabayno, dalawang araw matapos ilibing ang kaniyang anak noong 15 Nobyembre.
Ayon sa pamilya nito, nahirapang huminga si Roden habang natutulog madaling araw ng Martes, 17 Nobyembre, kaya agad siyang isinugod sa Oriental Mindoro Southern District Hospital sa Roxas, Oriental Mindoro.
Sinubukan pa siyang isalba ng mga doktor ngunit idineklarang patay bandang alas-4 ng madaling araw dahil sa cardiac arrest.
Matatandaang natagpuan ang 20-anyos na si Altheia na wala nang buhay sa isang masukal na lugar sa Barangay Sapul, Calapan City noong 7 Nobyembre, na may mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Sumuko na sa mga awtoridad ang 26-anyos na suspek, na umano'y dating nobyo ng biktima, at nahaharap sa kasong murder.