Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Tunay na pakinabang sa mamamayan ang kailangan – Legarda

Michael Pingol · Nov 17, 2026, 3:50 AM

Senator Loren Legarda — Photo courtesy of Senate of the Philippines/FB

Nanawagan si Senador Loren Legarda sa pamahalaan ng Pilipinas at sa mga lider ng mga bansang kasapi ng ASEAN na tiyaking ang mga kasunduan at desisyong mabubuo sa ika-49 na ASEAN Summit ay magdudulot ng tunay at konkretong benepisyo sa mga ordinaryong mamamayan.

Binigyang-diin ni Legarda na hindi dapat nakabatay sa laki o karangyaan ng pagtitipon ang tagumpay ng Pilipinas bilang punong-abala ng ASEAN Summit. Sa halip, dapat itong masukat sa kung paano maisasalin sa mga konkretong programa at hakbang ang mga napagkasunduan upang mapabuti ang pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan sa rehiyon.

Kabilang sa mga pangunahing usaping tatalakayin sa summit ang kapayapaan at seguridad, pag-unlad ng ekonomiya, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga mamamayan.

Partikular na binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga negosasyon para sa Code of Conduct sa South China Sea at ang ganap na pagpapatupad ng Five-Point Consensus upang matugunan ang patuloy na krisis sa Myanmar.

Hinikayat din ni Legarda ang pagpapalakas ng kakayahan at kagamitan ng Philippine Coast Guard upang higit na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino at maprotektahan ang yamang-dagat ng bansa.