DYARYO TIRADA
Panukalang calamity budget, itinaas sa P45.6B
Sa gitna ng banta ng Super El Niño, itinaas ng pamahalaan sa P45.6 bilyon ang panukalang calamity fund para sa pambansang pondo sa taong 2027, mula sa dating P39.8 bilyon.
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan, bagamat malaki ang idinagdag sa pondo, malaki rin ang haharaping hamon ng bansa. Aniya, kailangang tiyakin ng mga ahensya ng gobyerno ang maagang paghahanda laban sa malubhang tagtuyot na inaasahang titindi pagsapit ng Marso—kung saan tinatayang 82 probinsya, kabilang na ang National Capital Region, ang maaapektuhan.
Batay sa datos ng PAGASA na ibinahagi ng mambabatas, posibleng makaranas na ng matinding tagtuyot ang Metro Manila at 47 iba pang probinsya sa katapusan pa lamang ng Enero.
“Hindi dapat maliitin ng mga pambansang departamento, partikular ang mga humahawak sa agrikultura, yamang-tubig, kalusugan, social welfare, at disaster management, gayundin ng mga lokal na pamahalaan, ang posibleng epekto ng matinding tagtuyot,” giit ng kongresista.
Kasabay nito, nagbabala rin si Libanan sa matinding dagok na idudulot ng El Niño sa ekonomiya na lalong magpapabigat sa pasanin ng milyon-milyong Pilipino.
“Ang kakulangan sa tubig, pagkalugi ng mga pananim, pagtaas ng presyo ng pagkain, at pagkagambala sa kabuhayan ng milyon-milyong Pilipino ay mga totoong posibilidad. Hindi na natin dapat hintayin na maranasan pa ng mga komunidad ang mga paghihirap na ito bago gumawa ng mapagpasyang aksyon,” dagdag pa niya.
Matatandaang noong nakaraang buwan ay inaprubahan na ng Kamara ang panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa susunod na taon, na kasalukuyan namang sumasailalim sa deliberasyon ng Senado.