DYARYO TIRADA
Pagsabog sa LCC Market: 2 patay
Dalawa ang nasawi habang dalawa naman ang sugatan sa naganap na pagsabog sa harap ng lcc market and department store sa tara street, barangay pating, masbate city noong sabado ng hapon.
Ayon sa paunang impormasyon, naganap ang insidente bandang alas-dos ng hapon, na agad namang ikinagulat ng mga residente at mga taong nasa paligid ng lugar.
Mabilis na rumesponde sa pinangyarihan ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at Philippine Red Cross upang magsagawa ng rescue at emergency response operations.
Samantala, agad na isinugod sa Masbate Provincial Hospital ang dalawang indibidwal na nagtamo ng mga sugat bunsod ng insidente upang mabigyan ng agarang lunas at kaukulang medikal na atensyon.
Batay naman sa paunang pagsusuri ng mga awtoridad, posibleng pressurized biogas ang naging sanhi ng pagsabog. Gayunman, nilinaw na hindi pa kumpirmado ang naturang impormasyon habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon hinggil sa insidente.
Bilang bahagi ng pagsisiyasat, nagsagawa rin ng paunang pagsusuri ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team, katuwang ang mga bomb-sniffing dog, upang matukoy kung may kaugnayan sa mga pampasabog ang nangyari.