DYARYO TIRADA
Malalim na sugat
EDITORYAL
Isang pamilyar na eksena sa mga nakaraang araw ang pagbabantay ng bawat galaw ng dolyar; may mga nagmamadaling magpalit o kaya’y nag-iipon ng foreign currency sa paniniwalang ito na lamang ang tanging panlaban sa patuloy na paghina ng lokal na salapi. Nang pumalo ang palitan ng piso sa isang bagong rekord na hanggang P64 kada isang dolyar, hindi na lamang ito simpleng isyu ng ekonomiya para sa mga eksperto; ito ay naging isang mabigat na pasanin na buhat-buhat ng bawat Pilipino.
Ang paghina ng piso ay hindi lamang numero sa mga pahayagan. Isa itong salamin ng mga malalim na suliraning pang-ekonomiya—mula sa labis na pag-asa sa mga angkat na produkto hanggang sa mga panggigipit ng pandaigdigang mercado
Ngunit higit sa lahat, ito ay isang pagsubok sa katatagan ng ating bayan at isang paalala na ang tunay na lakas ng isang ekonomiya ay nakasalalay sa sarili nitong mga kamay.
Sa isang banda, nakikinabang ang mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa mas mataas na halaga ng konbersiyon ng dolyar na ipinapadala sa bansa. Gayundin ang mga negosyo sa sektor ng Business Process Outsourcing (BPO) at mga lokal na exporters na kumikita sa dolyar ngunit nagbabayad ng operasyon sa piso, na nagbibigay sa kanila ng kaunting bentahe sa kompetisyon.
Subalit, ang maikling ginhawang ito ay madaling nilalapa ng tinatawag na “imported inflation.”
Ang Pilipinas ay lubos na umaangkat ng halos lahat ng ating petrolyo, pati na rin ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas at mga pansakahan tulad ng abono at feeds, ang bawat sentimong pagbaba ng piso ay direktang isinasalin sa mas mataas na presyo sa pamilihan. Ang pagtaas ng produktong petrolyo ay nagdudulot ng domino effect sa pamasahe, kuryente, at transportasyon—mga gastusing hindi maaaring iwasan ng isang minimum wage earner.
Sa huli, ang nagdurusa ay ang mga konsumer na napipilitang magbawas ng binibili o kaya naman ay umutang para lamang maitawid ang araw-araw.
Ang paghina ng piso ay bunga ng kombinasyon ng panlabas at panloob na mga panggigipit. Nangunguna na riyan ang kakulangan sa katatagan ng kalakal patungkol sa langis at enerhiya.
Isa pa, ang patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan at ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay nagpapataas ng demand para sa dolyar ng mga bansang importer tulad natin.
Sa pagliit ng net trade surplus ng bansa, mas malaki ang paglabas ng dolyar kaysa sa pumapasok. Isa pa, upang mapigilan ang tuluyang pagbagsak, pinipilit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magbenta ng dolyar mula sa Gross International Reserves (GIR). Ngunit may hangganan ito, ang patuloy na pagbaba ng reserba ay patunay na ang patuloy na “pagdepensa” gamit lamang ang reserves ay maaaring hindi mapanatili sa katagalan.
Bukod pa rito, bagamat itinaas ng BSP ang benchmark interest rate upang labanan ang implasyon, may mga pangamba na ang mga pampublikong pahayag ng ehekutibo na nangangakong “ipagtatanggol ang piso sa abot ng makakaya” ay maaaring maglagay ng labis na pampulitikang presyon sa sentral na bangko, na kailangang panatilihin ang kanyang malayang posisyon batay sa malayang merkado at katatagan sa pananalapi.
Ang panawagan na “huwag mag-panic” ay madaling sabihin ng mga may pribilehiyong hindi namomroblema sa tatahaking gastusin buwan-buwan. Ngunit kung mayroon man tayong matutunan rito, ito ay ang pangangailangan ng kolektibong pagkilos mula sa pamahalaan hanggang sa bawat mamamayan.