DYARYO TIRADA
Leni Robredo, anti-Christ daw?
Sumiklab ang kontrobersya kaugnay ng pagdalo ni Naga City Mayor Leni Robredo sa Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines National Convention nitong Biyernes, Nobyembre 13, kung saan siya nagbigay ng maikling pambungad na pananalita.
Matapos ang kanyang talumpati ay iginawad sa kanya ang masonic regalia bilang bahagi ng pagpapahayag ng pasasalamat mula sa mga miyembro nito.
Agad namang kumalat ang mga larawan ng dating bise presidente online kung saan inakusahan siyang tumitiwalag sa kautusan ng Simbahang Katoliko at pinaratangan ding “hipokrito” sa kanyang sariling pananampalataya. May ilan ding nag-akusang kabilang siya sa isang grupong “anti-Kristo.”
Bagaman legal na rehistrado ang Freemasonry sa ilalim ng Securities and Exchange Commission (SEC) at protektado ng Konstitusyon ang kalayaan sa pagtitipon, tinututulan ng doktrinang Katoliko, maging ng Vatican, ang mga katuruan at pilosopiya nito, at ipinagbabawal din sa mga Katoliko ang aktibong paglahok dito.
Samantala, nagbigay ng pahayag si Robredo nitong Lunes upang linawin ang nasabing isyu.
Ayon kay Robredo, naging abala ang kanyang iskedyul noong Biyernes, at dahil wala siyang nakahandang talumpati, sumulat siya ng draft habang nasa elevator. Pagdating sa bulwagan, nagbigay siya ng mensahe at pinasalamatan ang mga bisita na mula sa labas ng Naga.