DYARYO TIRADA
PBBM sa ASEAN: Pagkakaisa, kooperasyon ang kailangan
Pormal nang binuksan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ika-49 na ASEAN Summit na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Sa kanyang talumpati, hinimok ng Pangulo ang mga kasaping bansa na magkaisa at sama-samang harapin ang iba’t ibang hamong kinakaharap ng rehiyon.
Kabilang sa mga isyung binigyang-diin ng Pangulo ang mga transnational crime tulad ng human trafficking, cybercrime, at mga online scam.
Iginiit din niya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kooperasyon ng mga bansa pagdating sa seguridad sa karagatan o maritime cooperation.
Kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos, mainit na sinalubong ng Pangulo ang mga dumating na delegado at pinangunahan din nila ni ASEAN Secretary-General Kao Kim Hourn ang pagpapakilala sa updated na watawat at sertipiko ng ASEAN.
Samantala, ginawaran ng ASEAN Prize ang Myanmar researcher at regional advocate na si Hla Hla Aung bilang pagkilala sa kanyang patuloy na pagsusulong ng kahandaan at katatagan ng mga komunidad laban sa mga sakuna.
Sa Martes, nakatakda namang magsagawa ang ASEAN ng magkakahiwalay na summit kasama ang mga dialogue partner nito, kabilang ang Estados Unidos, China, Japan, Australia, India, South Korea, at United Nations.
Samantala, nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order (EO) No. 131 na naglalayong magtatag ng AI Governance Framework at National Artificial Intelligence Council (NAIC).
Layunin ng kautusan na palakasin ang AI ecosystem ng bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng mga polisiya, regulasyon, at iba pang hakbang para matiyak ang responsable, ligtas, at etikal na paggamit ng artificial intelligence.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, layon nitong matiyak na mapapakinabangan ng mga manggagawa, negosyo, komunidad, at buong bansa ang teknolohiya habang napangangalagaan ang tiwala ng publiko.
Sa ilalim ng EO, inaatasan ang NAIC na pangasiwaan at subaybayan ang pagpapatupad ng AI Governance Framework.
Pangungunahan ang konseho ng Executive Secretary bilang Chairperson, kasama ang Department of Economy, Planning, and Development bilang Vice Chairperson, at iba pang kinatawan mula sa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor.
Sa kaugnay na balita, iginiit ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na investment para sa international standing ng Pilipinas ang malaking gastusin sa pagho-host ng 49th ASEAN Summit, kasabay ng pagbibigay-diin sa obligasyon ng bansa bilang kasalukuyang chair ng ASEAN.
Ayon kay Adiong, mahalaga ang summit sa pagpapalakas ng kooperasyon, kalakalan at diplomatikong ugnayan ng mga bansang kasapi, gayundin sa pagsusulong ng demokrasya at rule of law.
Ipinaliwanag din niya na hindi maaaring ikompromiso ang seguridad ng mga dadalong head of state, kaya kailangang matiyak ang sapat na paghahanda at proteksiyon. Gayunman, dapat aniyang maayos na ma-audit at magamit ang pondo alinsunod sa layunin nito.
Kabilang naman sa mahahalagang usaping inaasahang tatalakayin ang cybersecurity, paggamit ng artificial intelligence (AI), at epekto ng kaguluhan sa Strait of Hormuz sa pandaigdigang suplay ng langis.
Samantala, nanawagan si Adiong ng masusing pag-aaral sa Pax Silica Project, na aniya ay maaaring maghatid ng pamumuhunan, trabaho at paglago ng ekonomiya.
Gayunman, iginiit niyang kailangang balansehin ang mga oportunidad na ito sa posibleng epekto sa kalikasan at kapakanan ng mga Pilipino.
Binigyang-diin niya na hindi dapat agad tanggihan ang proyekto, ngunit kinakailangan muna itong dumaan sa masusing pag-aaral, konsultasyon at pagpapalaganap ng impormasyon upang matiyak na pambansang interes ang mananaig.