DYARYO TIRADA
Patas ba?
Nitong nakaraan ay ipinagtanggol ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang P4.74-bilyong pondo para sa imprastraktura sa kanyang distrito sa inaprubahang 2027 national budget ng Kamara.
Para sa kanya, kulang pa nga raw ito—kahit na halos 1,200 porsiyento na ang itinaas nito mula sa orihinal na P369.43 milyon lang sa National Expenditure Program (NEP).
Antindi rin ano? Kaya hindi na nakapagtatakang nagbukas ito ng matinding diskusyon dahil nung silipin kasi ng budget transparency group na BetterGov ang mga numero, lumabas na biglang lumobo ang pondo.
Dahil dito, naalimpungatan na naman ang matagal nang tanong ng taumbayan: Paano ba talaga hinahati ang pondo para sa mga proyekto sa buong bansa, at gaano kalinaw ang nagiging usapan kapag binubusisi na ang budget sa Kongreso?
Kung titingnan natin sa punto de bista ng isang kinatawan, trabaho naman talaga ng kongresista na ipaglaban ang kailangan ng kanyang mga kababayan. Nung umikot si Marcos sa mga barangay sa Laoag City, idiniin niyang matagal nang napag-iiwanan ng gobyerno ang Ilocos Norte dahil maliit lang ang populasyon nito.
Inisa-isa rin niya ang mga proyektong matagal nang nakatengga—tulad ng mga ilaw sa kalsada, multipurpose buildings, at mga covered court at nabanggit din niya ang hinaing ni Laoag City Mayor Bryan Alcid na kakarampot lang sa mga prayoridad ng lungsod ang kayang sagutin ng unang panukalang pondo.
Para sa mga sumusuporta sa dagdag-budget, hindi daw luho ang P4.74 bilyon kundi paghabol lang sa kaunlarang matagal nang ipinagkait sa kanila. Sa gitna ng mahal na bilihin at banta ng El Niño, sino ba namang kongresista ang tatanggi sa dagdag na proyekto at ayuda para sa kanyang mga botante?
Sa kabilang banda, hindi rin natin masisisi ang mga budget watchdogs at ang publiko kung mapataas ang kanilang kilay. Sa pagsusuri ng BetterGov, lumalabas na may 405 proyekto na nagkakahalaga ng P4.37 bilyon ang isiningit na lang sa Kamara na wala naman sa orihinal na panukala ng Malacañang.
Kapag ang isang distrito ay nakakuha ng labindalawang beses na pagtaas sa pondo—lalo na’t ang kinatawan nito ay ang mismong House majority leader na anak pa ng Pangulo—natural lang na magduda ang marami.
Patas ba ang hatian ng kaban ng bayan? Paano naman ang ibang maliliit at mahihirap na probinsya na naghihintay din ng tulong?
Kahit pa sabihing kailangan talaga ang mga proyektong ito, ang biglaang pagsulpot ng bilyon-bilyong pondo matapos ang NEP ay laging nag-iiwan ng tanong kung mas malakas ba ang hatak ng pulitika kaysa sa aktwal na pangangailangan.
Sa huli, ipinapakita lang ng isyung ito ang matagal nang hamon sa pag-budget sa Pilipinas: Paano natin ibibigay ang nararapat na tulong sa mga probinsyang napag-iiwanan nang hindi nasasakripisyo ang patas at malinaw na proseso?
Dahil dadaan pa naman sa masusing pagsusuri ang panukalang budget bago ito tuluyang mailabas at magastos, may pagkakataon pa ang mga mambabatas na ipaliwanag nang maayos kung paano pinili ang bawat proyekto.
Sa ganoong paraan, parehong panalo ang kaunlaran ng lokalidad at ang tiwala ng taumbayan.