Daily Tribune

DYARYO TIRADA

NCRPO, maigting ang seguridad sa ASEAN Summit

Michael Pingol · Nov 15, 2026, 7:44 PM

Flags of ASEAN member states are displayed along a flyover leading to Roxas Boulevard in Manila on October 26. The preparations are for the upcoming ASEAN Summit, which will be held at the Philippine International Convention Center. — Zedrich Xylak Madrid

Lubos nang handa National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at mga kaugnay na pagpupulong na gaganapin mula Nobyembre 16 hanggang 18.

Ayon sa NCRPO, nakalatag na ang kanilang mga plano at estratehiya sa seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga delegado, opisyal at publiko sa buong panahon ng summit.

Mahigit 20,000 pulis na ang ipinakalat sa Metro Manila, habang inaasahan din ang karagdagang puwersa mula sa Police Regional Offices 3, 1 at 4-A.

Sa kabila nito, wala pang natutukoy na banta sa seguridad na may kaugnayan sa naturang pagtitipon. Gayunman, patuloy ang NCRPO sa pagbabantay at pagsusuri sa mga impormasyong kanilang natatanggap.

Mahigpit ding binabantayan ng kapulisan ang mga itinalagang lugar para sa mga kilos-protesta upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa buong Metro Manila.

Samantala, sunod-sunod na ring dumarating sa bansa ang mga pinuno ng iba't ibang bansa para sa ika-49 na ASEAN Summit.

Kabilang sa mga pinakahuling dumating sa Pasay City sina Singaporean Prime Minister Lawrence Wong, na sinalubong ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, at Indonesian President Prabowo Subianto, na sinalubong naman ni Education Secretary Sonny Angara.

Nasa bansa na rin si Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul at Malaysian Prime Minister Datuk Seri Anwar Ibrahim.

Nauna namang dumating kahapon ang Sultan ng Brunei na si Hassanal Bolkiah, kasama ang kanyang anak na si Prince Abdul Mateen.

Kabilang din sa mga dumating sa Pilipinas sina Lao Prime Minister Saleumxay Kommasith at Vietnamese Prime Minister Lê Minh Hưng.

Patuloy ang paghahanda ng pamahalaan at mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang maayos, ligtas at matagumpay na pagsasagawa ng ASEAN Summit.