Daily Tribune

DYARYO TIRADA

KMU nagprotesta sa Maynila

Michael Pingol · Nov 15, 2026, 7:48 PM

Nagsagawa ng paunang kilos-protesta ang iba’t ibang sektor sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Liwasang Bonifacio bilang pagtutol sa mga isyung inaasahang tatalakayin sa ASEAN Summit, kabilang ang umano’y kabiguang tugunan ang krisis pang-ekonomiya ng bansa.

Ayon kay KMU national chair Jerome Adonis, makikilahok sa protesta ang iba’t ibang sektor na direktang naaapektuhan ng matinding suliranin ng bansa. Matapos ang programa sa Liwasang Bonifacio, nakatakda silang magmartsa patungong Philippine International Convention Center (PICC).

Sinabi ni Adonis na hindi makatutugon sa matagal nang krisis ng bansa ang mga pag-uusap sa ASEAN Summit, lalo na sa mga problemang kinakaharap ng mga manggagawa at mamamayan tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mababang sahod at kontraktuwalisasyon.

Mariin din nilang tinutulan ang pagdating ni United States President Donald Trump sa Pilipinas. Ayon kay Adonis, ang mga patakaran at pakikidigma ng Estados Unidos ay nakadaragdag umano sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, na lalo pang nagpapabigat sa kalagayan ng mamamayan.

Samantala, nagpahayag din ng pagtutol ang KMU sa usapin ng Pax Silica. Bagama’t sinabi umano ng embahada ng Estados Unidos na walang magaganap na paglagda sa kasunduan, iginiit ni Adonis na hindi sila nagtitiwala sa naturang pahayag dahil sa mga dati nang kasunduang aniya'y nagresulta sa pagtataksil sa interes ng bansa.

Binigyang-diin din niya ang pagtutol ng grupo sa anumang paglagda sa Pax Silica sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Bukod dito, kinondena ni Adonis ang Philippine National Police (PNP) at ang administrasyong Marcos dahil sa umano’y patuloy na pangha-harass sa mga kasapi ng grupong naglalakbay mula sa Southern Tagalog upang lumahok sa mga protesta.

Ayon sa kanya, hinahadlangan umano ang mga ito na maisagawa ang kanilang karapatang magpahayag at magprotesta.

Iginiit ng KMU na mahalagang maiparating sa ASEAN Summit ang panawagan ng mga manggagawa at iba pang sektor laban sa mga patakarang anila'y nagpapalala sa krisis pang-ekonomiya at nagpapahirap sa mamamayang Pilipino.