Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Joy Basa type makasama si Wilbert Ross

DT · Nov 15, 2026, 8:21 PM

Inihayag ng Vivamax actress na si Joy Basa na pangarap niyang makatrabaho sa isang pelikula o serye ang singer-actor at dancer na si Wilbert Ross dahil sa paghanga niya sa talento nito.

Ayon sa aktres, naniniwala siyang marami siyang matututunan kapag nakatambal niya si Ross, na kilala sa pagiging multi-talented sa pag-arte, pagkanta, at pagsayaw.

"Gusto ko po talagang maka-work si Wilbert Ross. Kasi parang ang perfect ng image niya sa publiko. Mabait din siya at magaling kumanta," ani Basa.

Bukod kay Ross, binanggit din ni Basa na nais niyang muling makatrabaho ang kapwa Vivamax star na si Angeli Khang, na nakasama na niya sa isang naunang proyekto.

"Siguro si Angeli Khang. Siya ang unang pumasok sa isip ko and alam ko pong magaling siyang artista," pahayag ni Basa. "And mabait din po kasi siya. At ang tangkad niya po pala sa personal! Nagkaroon din kasi kami ng project na magkasama kami, at masasabi kong sobrang bait niya."

Samantala, mapapanood naman si Basa bilang co-host kasama ang aktres na si Denise Esteban sa bagong VMX special feature na "Hot Moves," na idinirehe ni Sigrid Polon.

Tampok sa nasabing programa ang mga pinakatumatak na dance routines mula sa iba't ibang pelikula ng VMX, kabilang ang pole spins, floor work, at iba pang choreography, kung saan magpapakita rin ng sariling dance numbers sina Basa at Esteban.

Kasalukuyan nang mapapanood ang "Hot Moves" sa streaming platform na VMX.