DYARYO TIRADA
Boatwright susubukan ang sistema ni Cone
Matinding paghahanda ang susuungin ng Gilas Pilipinas sa nalalapit nitong mga laban kontra Syria at Iran sa fifth window ng FIBA Asian Qualifiers sa 27 at 29 Nobyembre.
Kasabay nito, sasabak sa unang pagkakataon ang bagong naturalized player na si Bennie Boatwright sa isang krusyal na kampanya, sa kabila ng isang linggo lamang na preparasyon sa sistema ni head coach Tim Cone.
Kasalukuyang naglalaro sa Chinese Basketball Association (CBA) para sa Fujian Sturgeons, makakasama ni Boatwright ang Gilas sa Malaysia sa 23 Nobyembre upang simulan ang paghahanda at kapain ang sistema at diskarte ni Cone.
“So, he’s going to be playing against some really tough competition and that’s going to be exciting for him. And he’s going to be practicing with some really high-level players every day,” ani Cone.
Bagama't bago sa sistema ng Gilas, tiwala pa rin ang tactician sa kakayahang maiaambag ni Boatwright, lalo't nasusubok ito sa mataas na antas ng kompetisyon sa kasalukuyan nitong liga.
Umaambag si Boatwright ng 11.3 points, 6.4 rebounds at 1.1 assists sa average na 21 minutong paglalaro para sa Sturgeons.
Nakatakda namang lumipad patungong Malaysia ang Gilas sa 21 Nobyembre upang simulan ang paghahanda para sa nalalapit na qualifiers.
Bitbit ang kartadang 4-4, susubukan ng Gilas na patumbahin ang matitibay na koponan mula sa Middle East upang umakyat sa ikatlo o ikaapat na puwesto sa standings.
Malaki ang magiging epekto ng dalawang laban sa kampanya ng koponan na muling makapasok sa FIBA Basketball World Cup sa Agosto 2027 sa Qatar.
Kung magtatagumpay, magiging ikaapat na sunod na pagsalang na ng bansa sa torneo.