DYARYO TIRADA
Avril Lavigne, nakitrend sa iconic music video ng ‘I'm With You’
Nakisali ang Canadian singer na si Avril Lavigne sa viral social media trend gamit ang kaniyang 2002 hit song na “I'm With You,” kung saan muling ginaya niya ang iconic na eksena mula sa music video nito habang nagtutulak ng stroller na kinalalagyan ng kaniyang bagong silang na anak.
Sa video na ibinahagi niya nitong Sabado, makikita si Lavigne na nakasuot ng itim na jacket at nakalugay ang buhok habang nagli-lip sync sa kanta at naglalakad kasama ang kaniyang bagong silang na anak.
Ipinahayag din ng singer ang kaniyang tuwa sa pagsali sa trend at sinabing natuwa siya sa mga video ng mga netizen kaya napagpasyahan niyang makiisa.
Tampok sa nauusong trend ang paggaya sa slow-motion performance ni Lavigne sa music video ng “I'm With You,” partikular ang eksenang sinasabayan ng mga unang linya ng kanta.
Inilabas noong 2002 bilang bahagi ng debut album niyang “Let Go,” naging isa ang kanta sa pinakakilalang awitin ng singer. Nominado rin ito sa Grammy Awards noong 2004 para sa Song of the Year at Best Female Pop Vocal Performance.
Nauna rito, inanunsyo ni Lavigne nitong Biyernes ang pagsilang ng kaniyang unang anak na babae. Ibinahagi niya ang ilang black-and-white na larawan ng sanggol, kabilang ang kuha sa maliit nitong kamay at larawan habang karga niya ito.
Tinawag naman ng singer ang kaniyang anak na kaniyang “mini princess.”