DYARYO TIRADA
Aktres-konsehala sa Rizal, sinuspinde ng LTO
Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang konsehala na isa ring aktres matapos lumabas sa isang video ang paggamit nito ng cellphone at pagsasayaw habang nagmamaneho sa Taytay, Rizal nitong Sabado.
Pinatawan ng LTO ng 90-araw na suspensyon ang lisensya ng konsehala at inisyuhan din ito ng Show Cause Order (SCO) dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Distracted Driving Act.
Sa isang tinanggal nang post sa Facebook page ng konsehala, makikita ang pag-indak nito habang nagmamaneho at gumagamit ng cellphone upang kunan ang sarili. Makikita rin sa video na hindi ito nakasuot ng seatbelt.
Kinilala naman ng ilang netizens ang konsehala bilang aktres na si Cai Cortez batay sa kumakalat na video.
Binigyang-diin ni LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na hindi dapat isinasakripisyo ang kaligtasan sa kalsada para lamang sa paggawa ng content.
“Hindi dapat isinasakripisyo ang kaligtasan sa kalsada para lamang sa paggawa ng content. Tungkulin ng bawat drayber na sumunod sa batas-trapiko at maging responsable sa pagmamaneho, anuman ang kanyang posisyon sa lipunan,” pahayag ni Lacanilao.
Noong Setyembre, sinuspinde rin ng LTO ang lisensya ng isang television personality matapos umanong mahuling hindi nakasuot ng seatbelt at nagvi-video habang nagmamaneho.
Nakatakdang humarap ang konsehala sa tanggapan ng LTO Intelligence and Investigation Division sa 23 Nobyembre upang magsumite ng sinumpaang salaysay at mga dokumentong susuporta sa kanyang panig.
Ayon sa LTO, maaari pang suspendihin o tuluyang bawiin ang lisensya ng konsehala kung mapatunayang hindi ito karapat-dapat na magmaneho ng sasakyang de-motor batay sa resulta ng imbestigasyon.