DYARYO TIRADA
13-anyos na Pinoy Tekken player, pinataob Japanese pro
Ginulat ng 13-anyos na Filipino Tekken 8 player na si Martinski ang fighting game community matapos pabagsakin ang Japanese professional player na si PINYA sa Thaiger Uppercut 2026 sa Thailand nitong Sabado, 14 Nobyembre.
Tila kalmado lamang na tinapos ng batang player ang beteranong Hapones, gamit ang kanyang husay at dedikasyon sa laro sa opening day ng singles competition ng torneo, isa sa mga stop ng Tekken World Tour na nilahukan ng 187 players.
Agad itong pumukaw ng atensyon sa gaming community, kung saan inihambing pa ng ilang netizens ang 13-anyos sa karakter ng laro na si Kazuya dahil sa umano’y pagkakahawig nila.
Kumalat din sa social media ang mga video ng kanyang laban, na umani ng paghanga mula sa mga tagahanga dahil sa ipinamalas niyang husay sa kabila ng murang edad.
Ibinahagi naman ni Martinski ang kanyang naging karanasan sa kompetisyon, kabilang ang panalo laban kay PINYA.
“Had some tough matches today. Glad I was able to get a win against a tough opponent, Pinya,” ani Martinski sa kanyang post.
Inamin din niya na marami pa siyang kailangang ayusin matapos ang kanyang naging laban kontra LMG MoB’s Lars, na nais niyang pagbutihin sa susunod na araw ng kompetisyon.
“Time to regroup, come back stronger tomorrow, and hopefully make a good run on Day 2,” pagtatapos niya.
Bukod sa singles competition, sumabak din si Martinski sa 3v3 team event kasama sina Magicyan at Blacklight, kung saan nagtapos sila sa ikasiyam na puwesto mula sa 24 na koponan.
Nakatakdang magtapos ang Thaiger Uppercut 2026 sa 15 Nobyembre, kung saan umaasa ang batang Pinoy na maipagpatuloy ang magandang kampanya sa ikalawang araw ng torneo.