DYARYO TIRADA
Saklolo, trabaho!
Nagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng panibagong pasakit sa ekonomiya nang umakyat sa 5.4 porsiyento o katumbas ng 2.86 milyong Pilipino ang walang hanapbuhay noong Setyembre. Mas mataas ito kumpara sa 5.3 porsiyento o 2.77 milyon noong Agosto, at mas malayo pa sa 1.96 milyong naitala noong Setyembre 2025. Ang masakit pa nito, sumabay ang krisis na ito sa paglobo ng inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin na sumadsad sa 7.2 porsiyento noong Setyembre at 7.8 porsiyento naman noong Oktubre.
Sa madaling salita, habang kumakaripas ng taas ang presyo ng pagkain at bilihin, lalo namang nauubusan ng mapagkakakitaan ang mga pamilyang Pilipino.
Lumalabas sa datos na bagama't lumaki ang labor force ng 1.63 milyon, ang naidagdag na trabaho ay nasa 721,000 lamang.
Senyales ito na hindi nakakasabay ang paglikha ng trabaho sa mabilis na pagdagsa ng mga naghahanap ng pagkakakitaan.
Napuruhan ang mga sektor tulad ng construction, arts, entertainment, and recreation, pati na ang information and communication.
Kung tutuuusin, matagal nang alam ng pamahalaan na malaki ang bilang ng mga kabataan sa bansa, kung kaya’t marami rin, lalo na sa mga kakatapos lamang ng kolehiyo, ang maghahanap ng sarili nilang pangtustos sa araw-araw—isang demographic dividend na dapat sana ay yaman ng bansa, kaya’t hindi katanggap-tanggap na hindi tumugma ang bilang ng mga trabaho sa mga walang trabaho dahil dapat ay napag-aralan na ito ng husto.
Ngunit kahit nga ang pangako noon ng K-12 program na kahit senior high school lamang ang matapos ay madali nang makakahanap ng magandang trabaho ay isang budol lamang.
Sa reyalidad ng merkado, nananatili ang diskriminasyon ng mga kumpanya pabor sa mga nakapagtapos ng kolehiyo, kaya't napipilitang pumasok sa mababa ang sahod o kontraktuwal na trabaho ang marami.
Sinabi National Statistician and Civil Registrar General Usec. Claire Dennis Mapa na ang pagbaba ng working hours, para naman sa buwan ng Agosto ay maaaring dahil na rin sa hindi magandang lagay ng panahon. Pero kung susumahin, natapos lamang ang habagat season nitong katapusan ng Oktubre.
Lagi na lamang bang pahirapan sa mga Pilipino ang lagay ng klima ng ating bansa, lalo sa tuwing tag-ulan na dinadagdagan pa ng takot ng pagkalugi sa negosyo dulot ng mga pagbaha?
Nakakalungkot rin na kahit sa banta ng masamang panahon, at pagbaha sa Metro Manila ay ito at ito pa rin ang takbuhan ng maraming mga Pinoy sa iba’t ibang probinsya, bilang pag-asa sa mas masaganang buhay.
At hindi usapin ng katamaran ang kawalan ng trabaho sa Pilipinas. Kilala ang mga Pilipino sa buong mundo sa kanilang sipag, tiyaga, at kahusayan kahit sa pinakamabibigat na gawain. Ang problema ay nasa sirang sistema ng ekonomiya.
Nakuha na ng pamahalaan ang mga numerong nagsasabing kalunos-lunos pa rin ang lagay ng marami sa bansa. Ang tanong ng bayan: Kailan at paano ito wawakasan? Hangga't walang kongkreto at makataong programa para sa disenteng trabaho, mananatiling panaginip lamang ang marangal na pamumuhay para sa milyun-milyong Pilipino na araw-araw sumisigaw ng saklolo.