Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Pagbabawal sa kamag-anak ng mga opisyal sa kontrata ng gobyerno, inihirit ni Gatchalian

Michael Pingol · Nov 7, 2026, 2:12 PM

SENATE President Sherwin Gatchalian — Photo courtesy of Senate of the Philippines

Isinusulong ni Senate President Sherwin Gatchalian ang agarang pagpasa sa panukalang batas na naglalayong ipagbawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagkuha ng mga kontrata mula sa gobyerno.

Iginiit ni Gatchalian sa kanyang pahayag ang pangangailangang maisabatas sa lalong madaling panahon ang Senate Bill No. 1962, o ang Government Contracting and Procurement Integrity Act, upang matiyak na nagagamit nang tama ang pondo ng bayan at napupunta ito sa mga programang kapaki-pakinabang sa publiko.

Binigyang-diin ng senador na hindi dapat makinabang ang mga kamag-anak ng mga opisyal na nasa puwesto sa mga oportunidad na pinopondohan ng taumbayan.

Sa ilalim ng panukala, pagbabawalan ang mga kamag-anak ng mga saklaw na opisyal ng gobyerno hanggang ikaapat na antas ng pagkakamag-anak, sa dugo man o sa pamamagitan ng kasal, na makakuha ng mga kontrata mula sa pamahalaan.

Kabilang sa mga saklaw nito ang mga magulang, anak, kapatid, lolo at lola, apo, tiyuhin, tiyahin, pamangkin at unang pinsan, gayundin ang kanilang mga katumbas na kamag-anak sa panig ng asawa.

Sasaklawin din ng panukala ang iba't ibang transaksiyon ng pamahalaan, kabilang ang pagbili ng mga produkto at serbisyo, mga proyektong pang-imprastraktura, at iba pang kasunduang pinopondohan ng pampublikong pondo.

Layunin ng panukalang batas na maiwasan ang paggamit ng kapangyarihan at impluwensiya ng mga opisyal upang mabigyan ng hindi patas na kalamangan ang kanilang mga kamag-anak sa pagkuha ng mga kontrata ng gobyerno.

Gayunman, hindi pa ito ganap na batas dahil kailangan pa nitong dumaan sa mga natitirang proseso ng lehislatura bago tuluyang maging epektibo.