DYARYO TIRADA
20 bus, pinayagang bumiyahe para maibsan ang siksikan sa LRT-2
Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang special permits para sa 20 bus na layong makatulong sa pagpapaluwag ng trapiko at pagbawas sa dami ng pasahero sa bahagi ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).
Ayon sa LTFRB, sampung bus ang bibiyahe mula Antipolo patungong Legarda at dadaan sa Marcos Highway, E. Rodriguez, at España Boulevard.
Samantala, ang sampung iba pang bus ay bibiyahe mula Antipolo patungong Cubao sa pamamagitan ng Marcos Highway at P. Tuazon.
Sinabi ni LTFRB Acting Chairman Atty. Greg Pua Jr. na layunin ng pagbibigay ng special permits na madagdagan ang mga pampublikong sasakyang maaaring sakyan ng mga pasahero, lalo na't marami ang gumagamit ng LRT-2.
Matatandaang nagsagawa kamakailan ang Department of Transportation (DOTr) ng trial run para sa 20 bus bilang bahagi ng hakbang na mabawasan ang pagsisiksikan ng mga pasahero sa kahabaan ng LRT-2.