DYARYO TIRADA
Bagong passenger terminal sa Port of Lucena, binuksan; terminal fee, libre muna
Mas magiging maginhawa at mas makakatipid sa pamasahe ang mga pasahero sa Port of Lucena sa Quezon kasunod ng pagbubukas ng bagong passenger terminal at pansamantalang pagsuspinde sa pangongolekta ng terminal fee.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), libre muna ang terminal fee hanggang Disyembre 31 upang makatulong na mabawasan ang gastusin ng mga biyahero.
Naglaan din ng libreng shuttle service sa Port of Lucena at sa Terminal Management Office ng Balanacan Port sa Marinduque upang mapadali ang paglipat at paggalaw ng mga pasahero sa loob ng mga pantalan.
May kapasidad na tumanggap ng hanggang 1,000 pasahero ang bagong terminal sa Lucena. Nagtatampok ito ng mas maayos at komportableng waiting area para sa mga biyahero habang naghihintay ng kanilang sasakyang pandagat.
Kabilang sa mga destinasyong mapaglilingkuran ng mga barkong manggagaling sa Port of Lucena ang mga lalawigan ng Marinduque at Romblon.
Inaasahang sa pamamagitan ng mga bagong pasilidad at libreng serbisyo ay magiging mas maayos, maginhawa at abot-kaya ang paglalakbay ng mga pasahero.