Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Linawin ang lahat

(EDITORIAL)

DT · Nov 2, 2026, 7:21 AM

VICE President Sara Duterte — Photo courtesy of Inday Sara Duterte / FB

Heto na nga: Lumabas sa isang survey na walo sa bawat sampung Pinoy ang nagnanais na humarap si Vice President Sara Duterte sa Kongreso upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya na may kaugnayan sa confidential funds.

Hindi naman araw-araw na nakikita natin ang parang simbulo ng pagkakaisa ng bansa dahil aminin man natin o hindi, sa isang lipunang madalas na nahahati dahil sa kulay ng pulitika ay malaki na 80 porsyentong mayorya na lumampas sa mga dibisyon ng rehiyon at antas sa buhay.

Nasa Metro Manila ka man o sa mga lalawigan, iisa lang ang panawagan ng mga tao: Kung nakaupo ka sa pampublikong posisyon at humahawak ng pera ng bayan, kailangan mong humarap at ipaliwanag kung saan ito napunta.

Hindi ito tungkol sa pamumulitika o awayan ng mga kung sino-sinong partido, gaano man ito subukang ipinta ng kanyang mga tagapagtanggol. Tungkol ito sa isang pangunahing alituntunin na nagpapatakbo sa ating demokrasya—ang pananagutan sa bayan o accountability.

Kapag ang mga opisyal ng pamahalaan ay humihingi at gumagastos ng confidential funds, direktang kinukuha ito sa pinaghirapang pera ng mga karaniwang Pilipino.

Ang ordinaryong mamamayan ay nagpapakapagod sa trabaho, nagbabayad ng income tax, at nagbabayad ng VAT sa lahat ng bagay—mula sa binibiling grocery hanggang sa pamasahe sa jeep.

Husto at makatarungan lamang para sa mga nagbabayad ng buwis na magtanong kung saan napunta ang kanilang P125 milyon, lalo na’t ayon sa mga ulat ay nagasta ang milyun-milyong piso sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.

Hanggang ngayon, ang naging tugon ng Bise Presidente sa mga imbestigasyon ng Kongreso ay umaasa lamang sa mga teknikalidad, mga pre-recorded na pahayag, at ang tuluyang hindi pagdalo sa mga mahahalagang komite.

Kapag hinihingan ng liquidation at mga resibo, ang natatanggap ng publiko ay madalas na katahimikan, pag-iwas, o mga pahiwatig na ang mga imbestigasyon ay mga pampulitikang pag-atake lamang para sirain ang kanyang mga plano sa hinaharap.

Ngunit ang pagtatago sa likod ng pulitika ay ganap na lumilihis sa tunay na usapin.

Kung ang mga paggasta ay legal, malinis, at walang anumang anomalya, ang pagtestigo nang may sumpa sa harap ng Kongreso ang dapat na pinakamadaling gawin sa mundo. Ang pagsagot nang direkta sa isang bukas na pagdinig ay hindi isang bitag; ito ang pinakamagandang pagkakataon upang linawin ang katotohanan, linisin ang sariling pangalan, at tapusin na ang usapin nang minsanan.

Isa pa, ang pagtangging manumpa o ang tuluyang pag-iwas sa mga pagdinig ay nagpapadami lamang ng duda at nagbibigay ng dahilan sa publiko para magtanong kung ano nga ba ang itinatago.

Ang mas nakakabahala pa rito ay ang halimbawang ipinapakita nito sa buong bansa. Kung ang isang nakaupong Bise Presidente ay pwedeng magwalang-bahala na lamang sa mga opisyal na imbestigasyon ng lehislatura—ang sangay ng pamahalaan na may utos sa ilalim ng Saligang Batas na magbantay sa kaban ng bayan—anong mensahe ang ipinapaabot nito sa iba pang opisyal ng gobyerno?

Sinasabi nito sa mga alkalde, pinuno ng mga kagawaran, at mga direktor ng ahensya na ang pananagutan sa bayan ay opsyonal lamang—isang bagay na pwede mong talikuran kung sapat ang iyong kapangyarihan.

Pagod na ang mamamayang Pilipino sa walang katapusang dula-dulaan sa pulitika kung saan ang mga patakaran ay mahigpit sa karaniwang mamamayan ngunit nawawalan ng bisa para sa matataas na opisyal.

Ang pag-aasam na ang mga pinuno ng bayan ay sumagot sa mga seryosong tanong nang may sumpa ay hindi isang labis na kahilingan; ito ang pinakamababang pamantayan na dapat sundin sa pampublikong paglilingkod.

Nasa isang mahalagang sangandaan ngayon si VP Sara. Puwede niyang ipagpatuloy ang pagbalewala sa mga patawag ng Kongreso at ituring ang pag-aalala ng publiko bilang ingay-pulitika lamang, o puwede niyang pakinggan ang napakalaking mayorya ng kanyang mga kababayan.

Walo sa bawat sampung Pilipino ang hindi naghahahanap ng pampulitikang palabas—humihingi lamang sila ng katotohanan, na isinumpa at inihahayag sa harap ng buong bansa. Oras na para tumayo, manumpa, at linawin sa publiko ang mga sagot na nararapat para sa kanila.