Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Legarda: Siyentipikong datos at pakikilahok ng mga katutubo, susi sa pagkilala ng mga wika sa bansa

DT · Nov 1, 2026, 2:49 AM

Binigyang-diin ni Senadora Loren Legarda na nakasalalay sa masusing pananaliksik, balidasyon ng datos, at direktang pakikipag-ugnayan sa mga katutubong pamayanan ang wastong pagkilala at pangangalaga sa yamang-wika ng Pilipinas sa kanyang mensahe para sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Oktubre 29, 2026.

Ipinaliwanag ng Senadora na layunin ng proyektong Balidasyon ng mga Wika ng Pilipinas, na patuloy na sinusuportahan ng kaniyang tanggapan, na linawin ang magkakaibang bilang ng mga wikang naitatala sa bansa. Kabilang sa mga batayan ng pagsusuri ang pagkakakilanlan ng pamayanan, kakayahang magkaunawaan ng mga gumagamit ng wika, pagkakatulad ng mga salita, at gramatika.


“At para maisagawa ito, kailangan ng karagdagang pananaliksik at balidasyon ng mga datos sa pagsusuri ng pagkakaiba ng wika at wikain,” ani Legarda.

Sa kaniyang mensahe, ibinahagi ni Legarda na nagsimula ang KWF ng karagdagang pananaliksik noong 2020 at nakipag-ugnayan sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) noong 2021 upang humingi ng pahintulot sa mga katutubong pamayanan para sa pagsasagawa ng fieldwork at balidasyon. Mula sa 130 wikang naitala noong 2016, naging 135 ang bilang matapos ang pangangalap at pagsusuri ng datos mula 2022 hanggang ikalawang quarter ng 2024.

Nilinaw na hindi ito nangangahulugang may mga bagong wikang nabuo, kundi may mga wikang ngayon lamang nasaliksik, may mga dating itinuturing na diyalekto na napatunayang magkahiwalay na wika, at may mga wikang dating nakatalang magkahiwalay ngunit napatunayang katulad ng mga wikang ginagamit sa kalapit na mga pamayanan.

“Kailangang maunawaan na mahalaga ang wasto at nabalidang mga datos hinggil sa mga wika dahil magagamit ito na batayan ng KWF para sa pagpaplano ng mga programa at proyekto, at pagbuo ng mga patakarang pangwika,” paliwanag ng Senadora.

Kaugnay nito ang Republic Act No. 11961, na nagpapalakas sa pangangalaga ng pamanang pangkultura sa pamamagitan ng cultural mapping at pinahusay na edukasyong pangkultura, na kaniyang isinulong bilang Author at Principal Sponsor. Kabilang din ang Republic Act No. 10066, o National Cultural Heritage Act of 2009, bilang Author at Co-sponsor. Itinataguyod ng mga batas na ito ang dokumentasyon at pangangalaga sa pamanang pangkultura, kabilang ang pagkilala sa mga katutubong pamayanan at kanilang mga karapatan.

Binigyang-diin din ni Legarda na nagpapatuloy ang balidasyon ng KWF, kaya maaari pang magbago ang bilang ng mga naitatalang wika habang nadaragdagan ang pananaliksik at datos mula sa mga komunidad. Mahalaga rin ang pagpapatuloy ng ugnayan ng KWF, NCIP, mga lokal na pamahalaan, at iba pang ahensiya upang magkaroon ng siyentipikong paglalarawan at maaasahang datos, lalo na tungkol sa mga wikang nanganganib maglaho.

Tulad ng binigyang-diin ni Legarda sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, “ang mga wika ay hindi lámang behikulo ng komunikasyon kundi representasyon at ingklusyon ng bawat pamayang pangwika at pangkultura”. (30)