Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Humarap bago umupo

[EDITORYAL]

DT · Nov 1, 2026, 2:29 AM

VICE President Sara Duterte — Photo courtesy of Inday Sara Duterte / FB

Ayon sa pinakahuling inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS), malaki ang bilang ng mga mamamayang mataas ang kumpiyansa kay Bise Presidente Sara Duterte kumpara sa mga naniniwala sa mga alegasyong ipinupukol sa kanya.

Ipinapakita ng datos na 38 porsyento ang hindi naniniwala sa isyu ng usapin sa P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, habang 29 porsyento lamang ang naniniwala.

Sa kaso ng unexplained wealth, 38 porsyento rin ang hindi naniniwala laban sa 25 porsyento. Para naman sa akusasyon ng pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga kaanak nito, 44 porsyento ang hindi naniniwala habang 23 porsyento lamang ang naniniwala.

Dahil dito, hindi nakapagtatakang makitang 47 porsyento ng mga Pilipino ang pabor sa depensa ng kampo ng Bise Presidente, kumpara sa 30 porsyento lamang na nakuha ng prosekusyon.

Sa madaling salita, sa kabila ng mga dokumento at pahayag na inilapag ng prosekusyon sa nagdaang mga buwan, nananatiling matatag ang mga taga-suporta ng bise na nauna nang nagpahayag ng intensyong tumakbo bilang pangulo sa 2028 ang Bise Presidente.

Gayunpaman, may isa pang mahalagang mukha ang survey na ito na hindi dapat balewalain. Sinasabi ng walo sa bawat sampung Pilipino, o 78 porsyento ng mga respondents, na mahalagang personal na humarap at sumagot si Bise Presidente Sara Duterte sa mga pagdinig ukol sa kanyang impeachment.

Sa bilang na ito, 59 porsyento ang nagsasabing “lubos na mahalaga” ang kanyang personal na testimonya, habang 19 porsyento ang nagsasabing “maari itong mahalaga.” Samantala, tanging 15 porsyento ang nagsasabing “hindi ito mahalaga.”

Ibig sabihin, kahit sa hanay ng mga tagasuporta o mga nag-aalinlangan, nangingibabaw ang iisang pagnanais: ang makita siyang tuwirang humarap sa hukuman upang linawin ang mga isyu.

Ang panawagang ito ay nakaugat sa prinsipyo ng personal na pananagutan. Napakahalaga sa isang lider ang presenya, lalo na sa mga panahong hinahanap ng taumbayan ang kanyang boses.

Matatandaang ito rin ang naging pangunahing batikos laban kay Pangulong Marcos noong 2022 national elections nang tumanggi itong dumalo sa mga opisyal na presidential debates, kung saan binansagan pa siyang "takot" ng kabilang panig.

Kung ang isang lider ay naghahangad na mamuno sa buong bansa, nararapat lamang na maging mas mahigpit din ang pamantayan ng kanyang pananagutan.

Ang kapangyarihan ay hindi nakasalalay sa apelyido o kasikatan kundi sa kahandaang magpaliwanag sa publiko nang walang pagbabalatkayo.

Hindi sapat na umasa lamang sa katatagan ng sariling pangalan o sa mataas na rating sa survey tuwing may kinakaharap na krisis. Totoong si Sara Duterte pa rin ang nangunguna sa ilang survey, ngunit higit sa pangalan, ang karakter ng isang lider ang sinusubok sa panahon ng pagsubok. Sa halip na iasa lamang sa mga patalastas o simpleng "Duterte pa rin" ang laban, mas mahalagang marinig ang paninindigan sa prinsipyo ng good governance at transparency.

Maganda naman pala ang imahe sa publiko sa kabila ng samu’t-saring alegasyon at tagausig, kung tutuusin, simpleng hakbang lang ang hiling ng taumbayan, ang magpakita sa hukuman, taas noo at magpakatotoo. Kung gustong tumakbo, huwag magtago!