DYARYO TIRADA
Legarda nanawagan ng mas maraming museo sa mga rehiyon
Nanawagan si Sen. Loren Legarda na palawakin ang mga museo at iba pang espasyong pangkultura sa labas ng Metro Manila upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng pagkakataong makilala ang kasaysayan at tradisyon ng kanilang mga pamayanan.
Kasabay ng pagdiriwang ng Museums and Galleries Month ngayong Oktubre, sinabi ni Legarda na hindi dapat nakasentro lamang sa malalaking lungsod ang mga institusyong pangkultura.
“Ang museo ay mas nagiging makabuluhan kapag nakikita ng isang bata, isang pamilya, o isang pamayanan ang sarili nilang kuwento sa loob nito. Hindi dapat kailanganing lumayo nang husto para makilala natin ang sarili nating kasaysayan at kultura. We need more spaces where Filipinos can see where they came from and understand why these traditions still matter today,” ani Legarda.
Ayon sa senador, na namumuno sa Senate Committee on Culture and the Arts, mahalagang hindi lamang nakatuon sa pag-iingat ng mga lumang kagamitan at koleksiyon ang mga museo, kundi maging sa pagpapanatili ng mga tradisyong patuloy na isinasabuhay ng mga komunidad.
Kabilang sa mga proyektong sinuportahan niya ang Baybayin Gallery, Manlilikha ng Bayan Gallery at Hibla ng Lahing Filipino sa National Museum, gayundin ang mga regional gallery na Hibla Iloko at Habol Panay.
Sa Senado, isinusulong ni Legarda ang Senate Bill No. 510 na naglalayong palakasin ang pangangalaga sa katutubong sining, at Senate Bill No. 1852 na magbibigay ng mga insentibo para sa konserbasyon ng cultural heritage.
Naghain din siya ng Senate Bill No. 1507 upang gawing institusyonal ang Schools of Living Traditions at Senate Bill No. 1425 para sa pagtatatag ng Aklan Piña Conservation and Innovation Center sa Kalibo.
“Preservation cannot depend on goodwill alone. We need institutions, funding, incentives, trained people, and clear responsibilities. Kung gusto nating manatiling buhay ang ating pamana, kailangan may sistema ring susuporta sa mga taong nag-aalaga nito,” ani Legarda.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng Republic Act No. 11961 o Cultural Mapping Law, na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na tukuyin at idokumento ang mga pamanang pangkultura sa kanilang nasasakupan.
Aniya, dapat ding magkaroon ng puwang sa mga museo ang mga kontemporaryong sining at likha ng mga Pilipinong artist.
“Regional culture should never be treated as a smaller version of national culture. Ang mga kuwento at tradisyon ng bawat lalawigan at pamayanan ay bahagi mismo ng kuwento ng Pilipinas. The closer our cultural institutions are to the communities they represent, the richer and more truthful our national story becomes,” ani Legarda.
Dagdag ng senador, hindi lamang sa dami ng gusali o koleksiyon dapat masukat ang pag-unlad ng mga museo, kundi sa bilang ng mga Pilipinong nagkakaroon ng pagkakataong mapakinabangan at makaugnay sa mga ito.