DYARYO TIRADA
Bagong wage order, magbibigay ng dagdag-sahod sa mga manggagawa
Inaprubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang dagdag-sahod na P30 hanggang P45 kada araw para sa mga minimum wage earner sa Western Visayas, na inaasahang magiging epektibo sa susunod na buwan.
Sa ilalim ng Wage Order No. 30, tataas sa P590 kada araw ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa non-agricultural establishments na may mahigit 10 empleyado, mula sa dating P550.
Samantala, magiging P565 kada araw naman ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa non-agricultural establishments na may 10 empleyado pababa, mula sa dating P525.
Saklaw ng nasabing umento sa sahod ang mga manggagawa sa buong Western Visayas, kabilang ang Negros Occidental at Bacolod City.