DYARYO TIRADA
Mga biktima ng sunog sa Zamboanga City, tinulungan ni Sen. Bong Go
Umabot sa 68 residente ang nakatanggap ng tulong mula kay Senator Christopher “Bong” Go sa pamamagitan ng kanyang Malasakit Team noong 21 Oktubre, kasunod ng sunog sa Barangay Camino Nuevo, Zamboanga City.
Kabilang sa ipinamahaging tulong ang pinansiyal na ayuda, grocery packs, lalagyan ng tubig, damit, bitamina at mga panulat. May ilan ding nakatanggap ng bisikleta, cellphone at sapatos.
Sa isang video call, tiniyak ng senador ang kanyang suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
“Sa ganitong panahon, ang importante ay makabangon agad ang ating mga kababayan. Nandito lang po kami para tumulong sa abot ng aming makakaya, at hindi namin kayo pababayaan,” pahayag ng senador.
Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng pagpapalakas ng fire prevention, emergency response at disaster preparedness.
Kabilang sa mga batas na kanyang pangunahing iniakda at iniisponsoran ang RA 11589 o Bureau of Fire Protection Modernization Act at RA 12076 o Ligtas Pinoy Centers Act. Inihain din niya ang Senate Bill No. 173, na naglalayong itatag ang Department of Disaster Resilience.
Tiniyak ng senador na patuloy na makikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan sa mga lokal na opisyal at kinauukulang ahensiya upang matulungan ang mga pamilyang apektado ng sunog at iba pang kalamidad.
“Ako ang inyong Senator Kuya Bong Go, patuloy na magseserbisyo sa inyong lahat. Dahil ako po ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo po ’yan sa Diyos, at serbisyo po ’yan kay Allah,” pahayag niya.